Muling matutuon ang atensiyon ng lahat sa Philippine Navy-Standard Insurance Team sa pagsikad ng LBC Ronda Pilipinas 2016 para sa limang yugto na Luzon Leg na magsisimula sa Linggo sa Paseo de Santa Rosa sa Laguna at matatapos sa Abril 9 sa malamig na siyudad ng Baguio.

Nadomina ng Navymen, nagpamalas ng katatagan sa taktika, preparasyon at teamwork, ang Mindanao at Visayas leg, kaakibat ang individual title nina Jan Paul Morales at Ronald Oranza.

Kaya’t nakatuon ang lahat sa tinaguriang ‘man to beat’ sa pinakamalaking bike marathon sa bansa na itinataguyod ng LBC Express.

"I felt the heat in the Visayas but I handled it," sambit ni Morales, tumapos sa Top 10 ng Visayas matapos itong magtagumpay sa Mindanao.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

"Bring it on," sabi lamang naman ni Oranza, pambato ng Villasis, Pangasinan.

Isa rin sa pagtutuunan si Rudy Roque sa mga Navyman na babantayan matapos na pumangalawa sa Visayas.

"If I will have my chance, I'll take it," sabi ni Roque, ang birador ng Bataan.

Para naman kay Navy team captain Lloyd Lucien Reynante, tanging nais nito ang tagumpay ng koponan.

"We'll go for a sweep," pahayag ni Reynante, nagpakita rin ng tibay matapos na pumang-apat sa huling leg.

Subalit nararamdaman ni Reynante na mahihirapan ang kanyang koponan sa pinakahuling leg.

"The opposition is getting stronger and we expect it to get even more tougher in Luzon," aniya.

Kinatatakutan ng Navy ang LBC-MVP Sports Foundation na nagpamalas ng husay at sumabay sa hamon matapos na putulin ang dominasyon sa Visayas Leg.

Isasagawa sa Antipolo City ang Stage Three na criterium sa Abril 6 bago matapos ang LBC Ronda sa Stage Four na road race mula Dagupan City, Pangasinan patungong Baguio sa Abril 8 at isa pang criterium sa Baguio sa Abril 9.

Ang Ronda Pilipinas na inoorganisa ng LBC Express ay sanctioned ng PhilCycling at iyinataguyod ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp. katulong ang Maynilad at NLEX. (ANGIE OREDO)