BAGO sumapit ang Mahal na Araw ay nagdaos ng graduation rites ang lahat ng paaralan sa buong bansa. At bukod sa mga mag-aaral na nagsipagtapos, wala ring mapagsidlan ng tuwa ang kanilang mga magulang.
Sa libu-libong nagsipagtapos ngayong taon ay may isang batang hindi maalis sa aking isipan. Nagtapos siya ng elementarya at nag-aral sa pribadong eskuwelahan.
Marunong siyang bata. Malalim mag-isip at may matayog na pangarap. Paborito niyang subject ang Mathematics, Science, at English at isa siya sa mga nangunguna sa kanilang klase. Hindi siya nakikipagbarkada, higit niyang hilig ang magbasa at mag-aral ng leksiyon kaysa gumala at lumabas ng bahay.
Bata pa lang ay may kakaiba na siyang pangarap: ang matulungan at mabigyan ng ginhawa ang mga magulang.
Sapagkat malapit sa kolumnistang ito ang nasabing bata ay nasubaybayan nito ang kanyang paglaki. Noong nursery pa lamang ay halata na ang pagiging matalino dahil sa murang edad pa lamang ay medalist na.
Sa pagtuntong niya sa grade one ay agad siyang na-accelerate para maging grade two.
Hindi niya ginugugol ang bakasyon sa walang kawawaang bagay. Nag-aaral siya ng taekwondo, paggigitara at bihasa na rin maging sa computer.
Napakabait at napakabuting bata. Ni minsan kung pinangangaralan ng magulang ay nakikinig lamang at hindi sumasagot.
Ngunit sa harap ng ibang tao ay disenteng nakikipag-usap mapa-English man, o Tagalog. Bibo ngunit hindi makulit.
Magaling makitungo maging sa mga nakatatanda.
Kamakailan nga ay nagtapos siya ng elementary. Hindi siya nagkamit ng anumang karangalan sa paaralan ngunit nabigyan niya ng walang-katulad na karangalan ang kanyang mga magulang. Ang mga pagbati ng kanyang mga kamag-aral at mga guro ay walang pagkukunwari at lantay. Mahal siya ng lahat sa paaralan at maging ng mga madreng namamahala sa paaralan.
Ang kanyang pangalan: LANCE ALDWIN RAVAGO, isang ulirang anak, at ulirang mag-aaral.
Congratulations, Lance! (Rod Salandanan)