Ipinagtanggol ng pambato ng administrasyon sa pagkapangulo na si Mar Roxas ang pagkalat ng kopya ng komiks na nagtatampok ng pagtugon niya sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ at ng iba pang kontrobersiyang nagsasangkot sa kanya, kasabay ng pagpapasalamat sa kanyang mga tagasuporta na nagpagawa ng komiks para isulong ang kanyang kandidatura.
“Komiks is part of our culture, part of the regular and conventional campaign. I thank my supporters for making it that explains what really happened during that time,” sinabi ni Roxas nitong Martes.
Ito ang naging reaksiyon ng Liberal Party standard-bearer sa mga negatibong komento kaugnay ng kanyang komiks, na unang kumalat sa selebrasyon ng kaarawan ni dating Cavite Gov. Ayong Maliksi sa Imus.
Kabilang sa mga negatibong komentaryo ang alegasyon ng pagsisinungaling, habang sinasabi naman ng iba na dahil sa komiks ay nanariwa ang pait na idinulot ng pananalasa ng bagyo, na pumatay sa mahigit 6,000 katao.
Hindi naman apektado ng mga batikos si Roxas, at iginiit na ang mga tumutuligsa sa komiks ay mismong kanyang mga kritiko at mga tagasuporta ng kanyang mga katunggali sa pagkapangulo.
“Those who are reacting negative, possibly they are supporters of my rivals. Maybe they saw it (komiks) as effective, that’s why they are reacting negative,” ani Roxas.
Nauna rito, umani rin ng batikos ang kontrobersiyal na TV campaign ad ni Roxas na ipinagdiinan niya ang linyang “Hindi ko kayo nanakawan.” (Aaron Recuenco)