Sa simula’t simula pa lang, naging bahagi na ng adhikain ng halos lahat ng naging alkalde ng Lungsod ng Maynila ang pagsusulong at pagpapaunlad sa nasabing lungsod: Dangan nga lamang at magkakaiba ang kanilang mga estratehiya sa implementasyon ng mga programang pangkaunlaran ng mga komunidad at ng mismong mga mamamayan.
Isang kapit-bahay sa aming distrito sa Balic-balic (Sampaloc, Maynila) ang mistulang nagmo-monologue na sa isang umaga ay paulit-ulit na binibigkas ang ‘Sulong Maynila’. Islogan ito ni Mayor Erap Estrada na ayon sa kanya ay kinapapalooban ng kanyang mga mithiin para sa kapakanan ng mga Manilenyo; estratehiya ito sa pagpapaunlad ng kalunsuran.
Nagpatuloy siya sa pagsasalita nang mag-isa sa harap ng isang grupo ng mga kapit-bahay. Bahagi ng naturang islogan ang pagpapabuti ng kondisyon ng kapayapaan at pangangalaga sa seguridad ng sambayanan. Kaakibat ito ng pagsaklolo at pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Nagpatupad ng libreng edukasyon para sa maralitang pamilya, kabilang na ang pagkakaloob ng mga benepisyo para sa mga informal settlers o mga iskuwater sa siyudad. Pagpapaigting ng programa hinggil sa pagsuporta sa mga barangay, lalo na ang pagsugpo sa ilegal na droga at prostitusyon. At pagsasaayos ng mga gusali ng mga pampublikong paaralan.
Dahil dito, binigyang-diin niya na nakamit ng siyudad ng Maynila ang karangalan bilang First Place sa 2015 overall competitive cities. Ang nasabing parangal ay nanggaling sa The Competitiveness Council of the Philippines. Ang siyam na iba pang ginawaran ng karangalan ay kinabibilangan ng Makati, Cebu, Quezon City, Davao, Cagayan de Oro, Parañaque, Valenzuela, Caloocan at Iloilo. Halos pasigaw niyang sinabi na ito ang pinakamaningning na pagkilala kay Erap sa kanyang pagmamahal sa Maynila.
Binanggit din ng aming kapit-bahay na pagkatapos ng isang taong panunungkulan ni Erap, nagbago ang anyo ng lungsod.
Dahil dito, muling tumanggap ang Alkalde ng karangalang DILG Seal of Good Governance. Bilang pagkilala ito sa natamo niyang perfect score sa peace and order, good financial housekeeping at business friendliness. Kaakibat ito ng paglulunsad ng mga proyekto para sa masa, paglilinis ng kalye at pagsasaayos ng gusali ng City Hall.
Marami pang dapat sabihin ang aming kapit-bahay. Bumaling siya sa amin. Subalit wala isa mang umimik hanggang sa kami ay maghiwa-hiwalay. (CELO LAGMAY)