Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

(Game 2 of Best-of-Three Semis)

2 n.h. -- Tanduay vs Café France

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

4 n.h. -- Caida Tile vs Phoenix-FEU

Tatangkain ng top seeded Café France at Phoenix-Far Eastern University na mawalis ang kani-kanilang semi-final series sa pagratsada ng Game 2 ng best-of-three match up ngayon sa 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup sa San Juan Arena.

Bitbit ang momentum mula sa 65-58 na panalo sa Game 1 bago ang nakalipas na Holy Week break, nais ng Bakers na tuluyang tapusin ang duwelo sa Rhum Masters upang buhayin ang kampanya para sa back-to-back title sa developmental league.

Ngunit, pilit iniiwas ni coach Egay Macaraya ang Bakers na makaramdam ng sobrang kumpiyansa sa serye.

“Walang mangyayari pag di namin nakuha yung second game,” ani Macaraya na muling sasandigan sina Rodrigue Ebondo, Carl Bryan Cruz, at Mon Abundo. “We’re now one win away from our first goal which is to make it to the championship and we want to finish it,” aniya.

Gayunman, inaasahang hindi ganun kadaling bibigay ang Tanduay.

“We need to be more aggressive and more focused,” ayon kay Tanduay coach Lawrence Chongson na naghahangad namang mag step- up para sa Rhum Masters sina Val Acuna, Rudy Lingganay, at JP Belencion.

Magtutuos ang dalawang koponan ganap na 2:00 ng hapon na agad namang susundan ng salpukang Phoenix-FEU at Caida Tile, ganap na 4:00 ng hapon.

Umaasa si Accelerators coach Eric Gonzales na magagawa nilang duplikahin ang naitalang 90-83 panalo noong Game 1sa pamumuno nina Ed Daquioag, Mac Belo, at Mike Tolomia. (Marivic Awitan)