MGA Kapanalig, muli na namang nagimbal ang mundo noong nakaraang linggo nang maganap ang dalawang beses na pagsabog sa lungsod ng Brussels sa Belgium: isa sa airport at isa naman sa istasyon ng tren. Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi.
Nangyari ang mga ito sa kasagsagan ng Mahal na Araw kung na gumugunita sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo na siyang tumubos sa kasalanan ng sangkatauhan. Nakapanlulumong isipin na ang naganap na pagsabog sa Brussels, gaya na rin ng pagsabog sa Paris noong Nobyembre ng nakaraang taon, ay isinagawa ng mga sinasabing suicide bombers, mga taong kumikitil ng buhay ng iba sa pamamagitan ng bomba.
Mga Kapanalig, ‘di ba’t isang malungkot na kabalintunaan na sa panahong ginugunita natin ang dakilang sakripisyo ni Hesus na siyang nagpapanumbalik ng buhay sa mga taong makasalanan, atsaka pa nangyari itong walang saysay na pagpatay sa mga tao sa ngalan ng ideyolohiya o mga naliligaw na paniniwala ng tao?
Sa harap ng ganitong trahedya, ating maitatanong: Anong uri ng paniniwala kaya ang magbubunsod sa isang tao upang magpakamatay at pumatay alang-alang sa kanyang paniniwala? Habang ang ating Panginoon ay nag-alay ng Kanyang buhay upang ipakita sa atin ang Kanyang walang hanggang pag-ibig, ang isang suicide bomber ay nag-aalay ng buhay upang wakasan ang buhay ng iba. Sa paniniwalang iyon ang magliligtas sa kanilang kaluluwa, pumapatay sila upang iwasto ang nakikita nilang mali sa mundo. Samantalang si Hesus ay nag-alay ng kanyang buhay upang tubusin ang tao sa kasalanan at palayain tayo sa panlilinlang ng kasalanan sa ating buhay, ang isang suicide bomber ay nililinlang tayo sa kasinungalingang ang karahasan at pagpatay ay magdudulot ng kalayaan at katarungan sa mundo.
Sa ganitong paraan natin nakikilatis ang malalim na kaibahan ng mga paniniwalang wasto at maka-Diyos sa mga paniniwalang baluktot at mapanira.
Hindi naman maikakailang laganap ang kawalan ng katarungan sa mundo. Maraming tao ang naghihirap habang ang iba naman ay nagpapakasasa sa kanilang magandang buhay. Maging ang Santo Papa ay madalas punahin ito, lalo na kapag kaharap niya ang mga pinuno ng mga mauunlad na bansa. Subalit ano nga ba ang tamang paraan upang iwasto ang mga kamalian sa mundo?
Mga Kapanalig, mapalad tayo sapagkat itinuro sa atin ni Hesus ang tamang paraan upang iwasto ang mga kamalian sa mundo. Hindi lamang niya ito itinuro ngunit kanya pang pinatunayang ito ay totoong mabisa.
Katatapos lamang ng Mahal na Araw, mga Kapanalig, at nasa panahon tayo ng Pista ng Pagkabuhay. Patibayin nawa ng muling pagkabuhay ni Hesus ang ating pananalig sa paraan ng pag-ibig at kapatawaran bilang daan sa tunay na pagpapanibago ng mundo.
Sumainyo ang katotohanan.