Pacman, iba pang sportsmen makikihalo sa halalan 2016.
Hindi raw dapat pinaghahalo ang sports at pulitika.
Ngunit, kung pagbabasehan ang kasalukuyang estado ng pulitika sa bansa, nakakapit sa sports ang pamumulitika.
Sa mahigit isang dekada, ang pinuno ng Philippine Olympic Committee (POC) – ang national Olympic body sa bansa – ay pinamumunuan ni Jose ‘Peping’ Cojuangco, dating Tarlac Congressman at House Speaker.
Pinangangasiwaan naman ni Richie Garcia, isang Presidential appointee, ang Philippine Sports Commission (PSC).
Bunga man nang impluwensiya ng pamilya na tradisyunal nang namumulitika o tulak ng sariling layunin na makatulong sa kapwa, maging ang mga dating atleta at sports personalities ay pumalaot na rin sa pulitika.
Hindi maitatanggi na ang darating na halalan sa Mayo 9 ay maitutulad din sa mga nakalipas na eleksiyon – magkahalo ang sports at pulitika.
Matapos makamit ang tanging upuan sa Kongreso ng lalawigan ng Sarangani, target ngayon ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang isa sa 12-man seat sa Senado. Ang kanyang maybahay na si Jinkee, kasalukuyang vice governor ng lalawigan, ang napabalitang papalit sa kanyang puwesto sa Kongreso.
Hindi man makapagkampanya dahil sa kasalukuyang paghahanda sa kanyang ikatlong laban kay American fighter Tim Bradley sa Abril 9, sapat na ang kinasangkutan kontrobersya laban sa komunidad ng LGBT para mas mapag-usapan si Pacman.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang birada ng mga kritiko, matatag ang misyon ni Pacman sa Senado – ang maipaglaban ang karapatan ng mahihirap na Pilipino.
“Hindi naman maiwasan yang mga paninira. Basta ang importante malinis ang hangarin natin para sa bayan at sa ating mga kababayan,” pahayag ni Pacman sa mga naunang panayam.
Sa opisyal na pagsisimula ng kampanya sa Lunes para sa mga tatakbo sa national at lokal na posisyon, narito ang ilang sikat na personalidad sa sports na inaasahang makikita sa polital rally at caravan.
Mula sa pagiging dating national bowler (kinatawan ang bansa sa 1978 Bogota, Columbia at 1984 Sydney, Australia World Cup), isa sa kinikilalang mambabatas ngayon si Vicente ‘Tito’ Sotto na muling tatakbo para sa Senado.
Tatangkain naman ni PBA Rain or Shine coach Yeng Guiao, ang anak ng namayapang dating Pampanga Governor Bren Guiao, na muling manaig sa pagkakongresista sa unang distrito ng Pampanga.
Pangunahing nominee naman ng 1-Pacman Party List si Globalport owner Mikee Romero. Bago pumasok sa pro league, naging pangulo ng cycling, shooting at basketball association si Romero, isa ring professional Polo player.
Kabilang sa nais ni Romero ang pagbuo ng Department of Sports na aniya’y mas magiging epektibo para sa kaunlaran ng sports sa bansa.
Nagbabalik naman sa Manila ang pamilyang Lopez – sa pamamagitan ni dating Amateur Boxing association of the Philippines (ABAP president Manny Lopez – na tatakbong Congressman para sa unang distrito ng lungsod. Ang kanyang ama na si Mel Lopez ay dating congressman, Manila Mayor at chairman ng Philippine Sports Commission.
Target naman ng dati ring PSC chairman na si Harry Angping ang ikatlong distrito ng Manila, habang tatakbong Manila vice mayor si dating taekwondo champion Ali Atienza, anak ni Buhay Part list Congressman at dating Manila Mayor Lito Atienza.
“Wala namang masama kung magsama ang sports at pulitika, as long as para sa kapakanan ng mamamayan ang layunin,” pahayag ni POC vice president Joey Romasanta.
Tatangkain naman agawin ni dating De La Salle center Francis Zamora ang mayoral seat ng San Juan na kasalukuyang hawak ni Mayor Guia Gomez. Nasa line up niya bilang Councilor si dating PBA player Paul Artadi.
Sa Bulacan, ipagpapatuloy naman ni one-time PBA MVP Vergel Meneses ang tradisyon ng pamilya sa kanyang pagtakbo bilang Vice Mayor ng Bulacan, Bulacan. Matagal na naging Mayor ang kanyang ina sa lalawigan na kasalukuyan ngayong hawak ng kanyang pinsan na si Patrick Meneses.
Kabilang din sa mga sports personalities na magtatangka sa halalan sina Mark Andaya at Turo Valenzona (Manila councilors), Mar Morelos at Tyson Sy (councilors, Valenzuela), Chris Baluyot (councilor, Bulacan), at Boy Cabahug (councilor, Cebu).
Tunay na hindi mapaghihiwalay ang sports at pulitika. Malaking bentahe ang pagiging tanyag sa pagpalaot sa pulitika, ngunit hindi ito kasiguruhan na makakatawid ang ating mga bida sa kabilang pampang. (Edwin G. Rollon)