Mahigit 1,000 overseas Filipino worker (OFW), na nangangailangan ng tulong simula nang bumalik sa Pilipinas, ang naayudahan na ng Department of Labor and Employment (DoLE).
Hanggang Marso 18, sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Deputy Administrator Amuerfina Reyes na umabot na sa 1,002 ang kabuuang bilang ng OFW na nabiyayaan ng welfare, employment, livelihood at legal assistance mula sa 20 Assist Well center ng DoLE sa buong bansa.
“The bulk of these workers came from KSA (Kingdom of Saudi Arabia), Kuwait, UAE (United Arab Emirates), Indonesia, Qatar, Malaysia, Taiwan, Singapore, Canada, Bahrain, Lebanon and USA,” pahayag ni Reyes sa pulong balitaan sa DoLE main office.
Iginiit ng opisyal na halos 40 porsiyento ng mga benepisyaryo ang naghayag ng kanilang intensiyon na tuldukan na ang kanilang employment contract kaya bumalik na sa Pilipinas.
Habang 30 porsiyento ang nagsabing sila ay biktima ng pagmamalupit, hindi pagbabayad ng benepisyo, iniipit ang pasaporte, at may contract substitution.
Ang iba naman ay bumalik sa Pilipinas bunsod ng retrenchment sa kani-kanilang kumpanya, paglala ng sitwasyong pulitikal sa pinagtatrabahuhan, paso na ang visa, at nais na lang magtrabaho sa bansa. (Samuel P. Medenilla)