NAGTABLA sina Sen. Grace Poe at Mayor Rodrigo Duterte sa unang puwesto bilang susunod na pangulo ng Pilipinas, base sa huling survey ng Pulse Asia-ABS-CBN. Inaasahang lalamang na ang senadora sa kanyang mahihigpit na katunggali na sina Duterte, VP Binay at Sec. Roxas matapos madesisyunan ang kanyang mga disqualification case sa Korte Suprema.

Pero, hindi pa rin gaanong nagkakalayu-layo ang mga kandidato. Nakadikit pa rin kina Poe at Duterte sina VP Binay, na pumangatlo, at si Roxas, na pumang-apat.

Mauulit ang nangyari noong halalan nang manalo si Pangulong Ramos. Mahigpit niyang nakatunggali noon sina Sen. Jovito Salonga, Speaker Ramon Mitra at noon ay Department of Agrarian Reform Secretary Miriam Santiago. Sina FVR at Speaker Mitra ay parehong humingi ng basbas kay dating Pangulong Cory. Nag-convention pa nga ang dalawa para kung sino ang mananalo ay siyang susuportahan ng dating Pangulo.

Nagwagi si Mitra sa convention, subalit tumakbo pa rin si FVR. Kay FVR ibinigay ni Pangulo Cory ang kanyang basbas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kalakasan ni Santiago noon, pero tinalo pa rin siya ni FVR dahil na kay FVR ang makinarya ng administrasyon ni Cory.

Nakakailang survey na ang Pulse Asia at Social Weather Station (SWS), pero paiba-iba ang posisyon nina VP Binay, Sen. Poe, at Mayor Duterte. Sa unang survey, nangunguna si VP Binay, pumangalawa si Sen. Poe at pumangatlo naman si Mayor Duterte. Pang-apat lang si Roxas. Sa sumunod na survey, si Sen. Poe naman ang nanguna, sinundan siya ni VP Binay at pumangatlo naman si Duterte. Pang-apat pa rin si Roxas. Pero, may lumabas na survey na habang tabla sina VP Binay at Sen. Poe, tabla naman sa pangalawang puwesto sina Mayor Duterte at Roxas. Pero, dikit-dikit pa rin sila batay sa porsiyentong kanilang nakukuha. Umungos man ang isa, hindi malayo ang mga sumusunod sa kanya.

Dahil dito, napakahirap pang sabihin kung sino na sa apat ang nakalalamang at dadalhin ang kalamangang ito hanggang sa kadulu-duluhan ng laban. Pero, kahit nasa huli si Roxas sa lahat ng survey, panatag pa rin ang loob niyang lumaban. Hindi pa kasi umaarangkada ang makinarya ng administrasyon. Ayon sa kanya, gagana na ito kapag nagsimula na ang kampanya ng mga kandidato para sa mga lokal na posisyon. Ang mga pulitikong malikot sa aparato ay lulugar na ayon sa makatutulong sa kanilang kandidatura. Nasa administrasyong Aquino ang kakayahang gawin ito. (Ric Valmonte)