MAHAL na Araw, panahon ng pagtitika, pagsisisi, at pagbabalik-loob sa Diyos. Tamang panahon para tanggapin at pagsisihan ang mga nagawang kasalanan. Iyan ang itinuturo ng Simbahang Katoliko.

Buhat pa sa ating mga ninuno ay naging tradisyon na ang pagsalubong sa Mahal na Araw. Ang paggalang sa naturang araw. Panahon ng pagbabalik-loob at paninikluhod. Pagpapakumbaba, pagkamakatao at maka-Diyos, huwag nang idugtong pa ang pagka-makabayan.

Ngunit Mahal na Araw na, ilang oras na lamang at ipapako na sa Krus ang Panginoong Diyos, ang taong tumubos sa ating mga kasalanan. Ngunit sa halip na magsisi at magpakabuti ay bakit patuloy pa ang mga tao sa paggawa ng kasalanan at hindi basta-basta kasalanan, mga matinding kasalanan na magagawa lamang ng isang taong walang sinasambang Diyos.

Sa pulitika, tila wala na sa kanilang sariling katinuan ang mga kandidato kung magmurahan at magsiraan. Lahat ng paninira at baho ng isa’t isa ay isinisiwalat maungusan lamang sa karera.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi lamang plataporma ang inilalahad kundi maging mga pagkukulang at pagkakamali ng bawat isa. At ang may angking “baho” ay patuloy naman sa pagnanakaw kahit alam na ng mga mamamayan ang kanilang lihim na pananamantala.

Sa mga lansangan, sa panahong “naghihirap si Hesus”, ay patuloy sa paglawak ang mga karumaldumal na krimen na kagagawan ng mga asal hayop. Mag-inang minartilyo, apong pumatay sa nuno, at kung anu-ano pa.

Bakit ba patuloy ang lumalalang kalagayan ng mga Pilipino? Sa ibang bansa, partikular sa gitnang Silangan, ay hindi natatapos ang malalagim na digmaang kumikitil ng libu-libong buhay, magkababayan man at magkakalahi.

Mahal na Araw. Pinarurusahan ng mga Hudyo si Hesus, at pinarurusahan naman ng mga tao ang isa’t isa. Hindi na ba kayang solusyunan ng Diyos ang problema ng mundo? Gutom, karahasan, lagim, mga patayan at tila hindi matapos na kaguluhan.

Hesus, ipinanaghoy mo habang nakapako sa Krus na “Ikaw ay nauuhaw!” Kami man, Panginoon, ay NAUUHAW din sa kapayapaan! (Rod Salandanan)