LOS ANGELES (AP) — Binasag ni Filipino-American NBA star Jordan Clarkson ang pananahimik hinggil sa alegasyong ng ‘verbal abuse’ at ‘sexual harassment’ nang isang aktibistang babae sa Hollywood intersection.

Itinanggi ng 22-anyos na Gilas Pilipinas prospect ang naturang bintang at iginiit na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan ang kanyang grupo at ang babae na kinilalang si Alexis Jones nitong Linggo (Lunes sa Manila) na kanilang nakasabay sa traffic light ng La Brea at Melrose Avenue.

"The situation is just a miscommunication on both sides," pahayag ni Clarkson sa media interview matapos ang 107-100 panalo ng Los Angeles Lakers kontra Memphis kung saan umiskor siya ng 22 puntos.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

"We don't want to go into further detail on who's right and who's wrong in that situation, but at the end of the day, it was a miscommunication,” aniya.

Sa kanyang Instagram post kasama ang larawan ng mga kabataang lalaki na kalauna’y kinilalang sina Clarkson at Lakers teammate niyang si Nick Young, sinabi ni Jones na dumanas sila ng kanyang ina nang pambabastos at "disgustingly vulgar gestures".

Wala pang pormal na reklamo si Jones, ngunit sinabi nitong irereklamo niya ng ‘sexual harassment’ ang dalawang Lakers player.

Nauna nang sinabi ni Los Angeles Lakers spokesman John Black na sinusuri na ng management ang isyu para matimbang ang "different interpretations" na inilahad ni Jones at ng dalawang Lakers.

Sinabi naman ni coach Byron Scott na nakausap na niya sina Clarkson at Young hinggil sa isyu at sinabing wala siyang planong irekomenda sa management na bigyan ng kaparusahan ang dalawa.

Iginiit ni Clarkson na ang isyu ay bunga lamang ng social media buzz.

“You’ve just got to watch your surroundings,” aniya. “We live in a world where social media plays a big part in what you do, so you’ve just got to be careful about your surroundings and where you’re at.”

Hindi naman nagbigay ng kanyang pahayag si Young, kilalang bilang “Swaggy P.”, at engaged kay Australian rapper Iggy Azalea.