MAGHAHARAP-HARAP na sa entablado ang limang semi-finalists ng “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime upang ipakita ang kanilang ibubuga at kumatawan sa kani-kanilang pinanggalingan sa kauna-unahang semi-finals ng patimpalak sa susunod na linggo sa It’s Showtime.
Dalawang semi-finalists mula Mindanao, dalawa mula Metro Manila, at isa naman mula sa Luzon ang magtatagisan sa kantahan simula Lunes (Marso 28) hanggang Sabado (Abril 2).
Ipaglalaban ang Mindanao ng Ulirang Tatay ng Davao na si Dominador Alviola Jr., ang pinakaunang pumasok as semi-finalist, pati na ang panglimang semi-finalist, ang Mama Sessionista ng Pagadian na si Maricel Callo.
Itataguyod naman ang Metro Manila ng Sales Diva ng Makati na si Rachel Gabreza at Dad Incredi-voice ng Navotas na si Jaime Navarro.
Ibibigay naman ng Sweet Songstress ng Laguna na si Mary Gidget dela Llana ang lahat ng kanyang makakaya bilang natatanging pambato ng Luzon sa timpalak.
Sa week-long semi-finals, may tema sa bawat araw ang mga pipiliing awitin ng semi-finalists, ngunit sa puntong ito ng kumpetisyon ay maaari uli silang ma-gong.
Muli silang huhusgahan at kikilatisin ng mga huradong sina Karylle, Nyoy Volante, K Brosas, Karla Estrada, Yeng Constantino, Direk Bobot Mortiz, at Mr. Rey Valera.
Bukod sa mga puntos ng mga hurado, magkakaroon din ng kapangyarihan ang sambayanan dahil maaari ring bumoto ang mga manonood para suportahan ang kani-kanilang mga manok sa pamamagitan ng pag-text.
Para makaboto, i-text lang ang TAWAG
Pagkatapos ng lahat ng performances ng semi-finalists, pagsasama-samahin ang scores mula sa mga hurado at ang mga boto mula sa taumbayan sa Abril 2. At ang may mga pinakamatataas na puntos ang makakapasok sa grand finals.
Huwag palampasin ang tagisan ng galing sa kantahan sa “Tawag ng Tanghalan,” ang singing competition na minahal ng masa, sa It’s Showtime tuwing tanghali. (ADOR SALUTA)