MAIGI naman at natataon ang Semana Santa sukob sa panahon ng kampanya sa pambansang halalan sa Mayo. Sa kainitan ng batuhan ng pangako at talumpati, kasabay ng kaliwa’t kanang siraan (personalan) sa magkakaribal sa posisyon, ang Semana Santa ang nagsisilbing preno upang maghinay-hinay ang mga pulitiko sa pag-aasam ng makamundong ambisyon.

Tama lamang na may ilang araw na inilalaan para tumingala, magnilay-nilay sa Nazareno at magpasalamat sa Diyos.

Kalugud-lugod sa mata ng langit na lumuhod at magpakumbaba sa Diyos na may likha ng lahat. Maaaring tumaripa, kung kinakailangan, para gumaan ang naipong kasalanan, at upang isa-puso ang sakripisyo at kamatayan ni Jesus.

Ang ganitong mga panandaliang paghimpil, sana maka-pukaw sa mga kandidato, sa kung ano ang tunay na kahulugan ng pananagutang nakapaloob sa paglilingkod sa kapwa-tao. Lalo, sa mga sektor na siyang pinakamahina at marupok -- walang tinig at mistulang anino – sa lipunang ginagalawan. Madali kasi ang makalimot sa sarili at mawalay sa tunay na layunin ng kapangyarihan kapag nakaupo na sa ginintuang trono.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kadalasan nadudulas ang karamihan sa tukso ng pansarili, pamilya, kaibigan, at sa maging sa negosyo. Ang parating huli sa handaan at akayan, ay si Juan de la Cruz. Wika nga, tuwing kampanya at halalan, ang taumbayan ang hari.

Subali’t, sa unang araw pagkatapos lang ng eleksiyon, ang pulitiko na ang “boss”. Ang nakararaming mamamayan balik “tsimoy” ulit na maaring hawiin, sigawan, nakawan, pahirapan, lokohin, lamangan, at hindi kung hindi pa sapat, pahirapan sa transportasyon; MRT at LRT.

Ang nararapat na maging pinuno ng bayan ay dapat handa mag-alay ng buhay, kung ito ang hamon o pantubos ng pagbabago. Siya ay may paninindigan at seryosong manilbihan. May kasabihan, kahit gasgas, na angkop sa Semana Santa – “Bayan muna, bago ang sarili”. Pangunahing sangkap upang maisa-puso ang nasabing kaugalian ay kahandaang magpakumbaba. Nagugunita ang “bugtong na anak ng Diyos” na lumikha ng buong kalangitan, ipinanganak lang sa sabsaban. Ang pagbibinyag sa Ilog Jordan kay Juan, isang pangkaraniwang tao. Ang paghuhugas ni Kristo sa mga paa ng kanyang apostoles at iba pa. Ito ay tanda ng kababaang loob, natatanging halimbawa, na kailangan nakaukit sa bawa’t noo ng kandidato na ibig tumangan ng kapangyarihan. (Erik Espina)