LONDON (Reuters) – Nasa Asia ang pinakamalaking bilang ng mga tao na hantad sa mga sakuna, ngunit ang mga bansa sa Africa ang pinakamahina sa kanila, dahil sa magulong pulitika, katiwalian, kahirapan at hindi pagkakapantay, ipinakita sa isang bagong global assessment na inilabas nitong Marso 23.

Ang India ay mayroong isang bilyong katao na nanganganib, habang kabilang ang China, Bangladesh, Indonesia, Pilipinas, Japan at Pakistan sa 10 bansa na may pinakamaraming tao na hantad sa mga likas na panganib, ayon sa datos na nakalap ng Verisk Maplecroft, isang UK-based risk management company. Ang pananaliksik ay bahagi ng taunang Environmental Risk Dataset, na pinaunlad upang tulungan ang mga kumpanya na tukuyin ang mga panganib sa kanilang ari-arian, tauhan at supply chain.

Batay sa Natural Hazards Population Exposure Index, 1.4 bilyon katao sa South Asia ang hantad sa halos isang malaking likas na panganib, mula sa malalakas na bagyo hanggang sa mga pagbaha at lindol, ayon sa mga mananaliksik.

Ngunit ang listahan ng mga bansa na pinakamahina sa mga kalamidad -- sa larangan ng kakayayahang maghanda, tumugon at makabangon dito -- ay pinangungunahan ng mga bansa sa Africa, partikular na ang magulong South Sudan, Burundi at Eritrea.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Recent or prolonged conflict can erode societal resilience,” babala ni Richard Hewston, analyst sa Verisk Maplecroft na namumuno sa pagbuo ng datos.

Malaking dahilan ng kahinaan ng Africa at ng iba pang lugar ay resulta ng mahinang pamamahala -- kabilang na ang katiwalian -- at kawalan ng kakayahan na maipatupad ang mga polisiya para mabawasan ang panganib ng sakuna, ayon kay Hewston.

CITY RANKING

Sa Natural Hazards Vulnerability Index ng mga lungsod, lumabas na ang ang Manila ang “most exposed city”, na halos lahat ng 23 milyong residente nito ay nasa daanan ng mga bagyo at marami ang nahaharap sa panganib ng mga tsunami o lindol, inihayag ng mga mananaliksik.

Sumusunod sa listahan ng most exposed cities ang Tokyo, Japan (2), Jakarta, Indonesia (3), Dongguan, China (4), Dhaka, Bangladesh (5), Kolkata, India (6), Osaka, Japan (7), Mexico City, Mexico (8), Delhi, India (9) at Sao Paolo, Brazil (10).

Halos walang nagawa ang mabilis na pag-unlad ng mga bansa sa Asia gaya ng Bangladesh, Pakistan, India at Pilipinas para mabawasan ang peligro ng sakuna sa rehiyon, banggit ng mga mananaliksik.

Ipinamalas ng ilan sa pinakamahihinang bansa ang malakas na economic growth, ngunit nananatiling mahina ang mga imprastraktura at welfare systems na magpoprotekta sa mga tao, gayundin ang pamamahala.

Sinabi ni Hewston, nakasalalay ang pagbawas sa kahinaan sa mga kalamidad, partikular sa mga lugar na marami ang hantad sa mga likas na sakuna, sa pagtugon sa kahirapan at hindi pagkakapantay.