Pinayagan ng Sandiganbayan Fourth Division si dating Laguna Governor Joerge “ER” Ejercito na makapaglagak ng piyansa kaugnay sa kinahaharap na kasong graft na may kinalaman sa umano’y maanomalyang insurance program para sa mga bangkero at turista sa Pagsanjan Gorge.

Ayon kay Sandiganbayan Fourth Division Clerk of Court Joefre Zapata, naglagak ng piyansang P30,000 si Ejercito sa bawat count ng graft case sa Sta. Cruz (Laguna) Regional Trial Court (RTC) nitong Lunes.

Tatlong araw bago makapagpiyansa si Ejercito, naglabas naman ang Fourth Division ng hold departure order laban sa dating gobernador at kanyang kapwa akusado sa kaso.

Inatasan ng Fourth Division ang Bureau of Immigration (BI) na huwag payagang makalabas ng bansa ang pamangkin ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kasamang kinasuhan ni Ejercito ay sina Pagsanjan Vice Mayor Terryl Talabong, dating Vice Mayor Crisostomo Vilar, at mga dating konsehal na sina Arlyn Torres, Kalahi Rabago, Erwin Sacluti, Gener Dimaranan, at Ronald Sablan.

Inakusahan ang mga ito ng ilegal na pagpasok sa isang memorandum of agreement sa pagbibigay ng accident protection at financial assistance sa mga bangkero at turista na magtutungo sa Pagsanjan Gorge Tourist Zone.

Napag-alaman ng Office of the Ombudsman na ibinigay ang kontrata sa FRCV na hindi ito sumailalim sa public bidding na paglabag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Act.

Bukod dito, napag-alaman din ng anti-graft court na hindi lisensiyado ang FRCV at wala rin itong certificate of authority mula sa Insurance Commission upang makipagtransaksiyon. (Jeffrey Damicog)