2nd Zaldy Comanda_Candle for Peace_02_Abra_032316 copy

BANGUED, Abra - Muling nagsama-sama ang mga religious group, ang Abrenian Voice for Peace, pulisya, militar, Commission on Elections (Comelec), Abra Youth Sector at mga lokal na opisyal sa Unity Walk for Secure and Fair Elections (SAFE) 2016 at Candle Lighting for Peace nitong Martes sa bayang ito.

Pinangunahan ni Abra Archbishop Leopoldo Jaucian ang unity walk mula sa Abra Police Provincial Office patungo sa St. James the Elder Cathedral, na dinaluhan ng iilang halal na opisyal at kandidato.

Panawagan ni Bishop Jaucian sa mga pulitikong kandidato ngayong eleksiyon na maging mahinahon at tiyakin ang payapang halalan, gaya ng idinaoss noong 2010 at 2013 local elections sa lalawigan.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Hangad natin ang mapayapang eleksiyon at sana sa lahat ng kandidato ay mapayapang pamamaraan din, lalung-lalo na sa pagrespeto nila sa kalayaan ng bawat isa na pumili ng mga lider na wala sanang pananakot, walang impluwensiya at malaya ang lahat na pumili ng kanilang mga lider,” pahayag ni Bishop Jaucian.

Sa kabila ng karahasan naitala sa Abra sa mga nakalipas na eleksiyon hanggang noong 2007, ipinagmalaki ng arsobispo na malaki ang ipinagbago ng pulitika sa lalawigan sa mga nakaraang eleksiyon.

Siniguro naman ni Chief Supt. Ulysses Abellera, director ng Police Regional Office-Cordillera, na nakaalerto ang pulisya, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), para bantayan ang seguridad ng mga mamamayan at mga kandidato mula sa campaign period hanggang sa eleksiyon sa Mayo 9.

“Napakaganda ng unity walk na ito, dahil committed ang bawat kandidato para sa mapayapang eleksiyon. Panawagan ko lang sa kanila na huwag nang ibalik ang karahasan sa Abra at ipakita ng bawat isa, pulitiko man o hindi, na kaya nating ibalik ang katahimikan at mapayapang pamumuhay sa lalawigan, may eleksiyon man o wala,” sabi ni Abellera.

(Rizaldy Comanda)