Sampung kilo ng high-grade shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P40 milyon ang nakumpiska ng mga tauhan ng Southern Police District-District Special Operation Unit (SPD-DSOU) sa isang babaeng Chinese at sa kasama nitong dalawang Pinoy sa buy-bust operation sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni SPD Director, Chief Supt. Eusebio Mejos, ang dayuhang suspek na si Ann Liu, alyas “Ana”, habang ang dalawang kasama nitong Pinoy ay sina Dante Palana at Walt Navarro.
Dinakip ang tatlong suspek makaraang bentahan ng droga ang isang pulis na poseur buyer sa panulukan ng Roxas Boulevard at Gil Puyat, sa tapat ng isang hotel-casino sa lungsod.
Nakumpiska sa mga suspek ang 10 malalaking plastic bag ng shabu na may tig-isang kilo ang timbang at nakasilid sa isang itim na bag, gayundin ang P800,000 cash.
Narekober din ng awtoridad ang isang bagong Toyota Vios, na may conduction sticker na YS 1033, na ginamit ng tatlong suspek sa pagbebenta ng droga.
Dinala ang mga suspek sa SPD headquarters upang isailalim sa imbestigasyon, habang inihahanda na ang mga kaso ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) laban sa kanila. (BELLA GAMOTEA)