IPINAGDIRIWANG ng Islamic Republic of Pakistan ang Pambansang Araw nito ngayon bilang paggunita sa 1940 Lahore Resolution at sa pagtanggap sa unang konstitusyon ng Pakistan sa pagbabago mula sa Dominion of Pakistan at ginawang Islamic Republic of Pakistan noong 1956, at Pakistan ang naging kauna-unahang republikang Islam.

Ang Araw ng Pakistan ay taun-taong ipinagdiriwang sa bansa “with national enthusiasm and spirit.” Karaniwan nang aktibidad sa selebrasyon ang parada ng militar at mga sibilyan na isinasagawa tuwing madaling araw sa Islamabad, ang kabisera ng bansa, at pinangungunahan ng Pangulo ng Pakistan. Susundan ito ng paggagawad ng mga pambansang parangal at mga medalya. Nag-aalay din ng mga bulaklak sa mga musoleo nina Muhammad Iqbal at Muhammad Ali Jinnah, ang mga pinunong tagapagtatag ng Pakistan. Nagtatakda rin ng iba pang mga aktibidad ang iba’t ibang organisasyon upang bigyang-diin ang kahalagahan ng Rebolusyong Pakistani, na nagbigay-tuldok sa pitong-taong pakikipaglaban ng mga Muslim sa Katimugang Asya.

May interesante ring kuwento kung paano nakuha ng Pakistan ang pangalan nito. Marami ang naniniwala na ang pangalan ay inimbento ng isang grupo ng mga estudyante sa Cambridge University na nag-imprenta ng isang pamphlet noong 1933 na may titulong Now or Never. Inimbento nila ang terminong “Pakistan” na binubuo ng mga letrang hinalaw sa mga pangalan ng kani-kanilang bayang pinagmulan: Punjab, Afghania (North-West Frontier Province), Kashmir, Iran, Sindh, Tukharistan, Afghanistan, at Balochistan. Nangangahulugan ito na “the land of the Paks, the spiritually pure and clean.” Ipinaliwanag din sa kuwento na bagamat ang “stan” ay nangangahulugan ng bansa sa Hindi at Persian, nagawa ng mga estudyante na pagsama-samahan ang mga pangalan ng kani-kanilang bayan upang makalikha ng akmang pangalan ng isang bansa.

Ang Pakistan ay matatagpuan sa Katimugang Asya. Kahati nito sa mga hangganan ang Iran, India, China, at Afghanistan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tanyag ang bansa sa nagtataasan nitong kabundukan, luntiang kaparangan, malalapad na ilog, naggagandahang lawa, at mayamang hayupan.

Setyembre 8, 1949 nagsimula ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Pakistan, sa pagbubukas ng Konsulado ng Pilipinas sa Pakistan, na sinundan noong 1956 ng pagbubukas ng Embahada ng Pilipinas sa Karachi. Ang Pakistan ay may embahada sa Makati City. At ang diplomatiko at kalakalang ugnayan ng dalawang bansa ay ipinatupad sa nakalipas na mga taon sa pamamagitan ng palitan ng mga pagbisita ng mga opisyal ng kani-kanyang bansa. Sa kasalukuyan, pinaninindigan ng Pilipinas ang hangarin nitong paigtingin pa ang ugnayang bilateral sa Pakistan para sa mas mataas na antas ng “regional peace and prosperity of their peoples.”

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Pakistan, sa pangunguna nina President Mamnoon Hussain at Prime Minister Nawaz Sharif, sa pagdiriwang nila ng ika-76 na Pambansang Araw.