BRUSSELS (Reuters/AFP) – Labintatlo katao ang patay at ilan pa ang nasugatan sa kambal na pagsabog sa departure hall ng Brussels airport kahapon ng umaga, iniulat ng Belga news agency ng Belgium.

‘’There have been two explosions at the airport. Building is being evacuated. Don’t come to the airport area,’’ pahayag ng Brussels airport sa official Twitter account nito.

Pinangangambahang tataas pa ang bilang na ito.

Ayon sa Belga news agency, narinig ang mga putok ng baril at mga sigawan sa wikang Arabic ilang sandali matapos ang mga pagsabog sa paliparan sa Zaventem sa hilagang kanluran ng Brussels.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nangyari ito apat na araw matapos maaresto sa Brussels ang isang pinaghihinalaang sangkot sa mga pag-atake sa Paris noong Nobyembre na ikinamatay ng 130 katao.

Kumalat sa social media ang mga litrato ng umuusok na departure hall na nabasag ang mga bintana. Makikitang nagtatakbuhan pababa sa slipway ang mga pasahero.

Sinabi ng Brussels airport na kinansela nito ang lahat ng flights at inilikas ang mga tao mula sa complex.

Sinuspinde rin ang biyahe ng tren patungo sa paliparan.

MAALBEEK STATION BLAST

Habang nagkakagulo sa paliparan, isang pagsabog naman ang nangyari sa metro station sa Brussels malapit sa institutions ng European Union sa Belgian capital, sinabi ng subway staff sa AFP.

Nangyari ang pagsabog ilang sandali makalipas ang 0800 GMT, sa morning rush hour, sa Maalbeek station. Ipinakita sa mga imahe sa telebisyon ang maitim na usok mula sa bukana ng istasyon ng tren.

Mahigit isandosenang katao na nakahiga sa sahig at duguan ang ginagamot ng emergency services.

Sinabi ng metro operator na isinara na ang serbisyo ng tren.

Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa malinaw kung may namatay sa lugar.

REVENGE ATTACKS

Nitong Lunes, nagsalita si Belgium Interior Minister, Jan Jambon, na nasa high alert ang bansa sa posibleng revenge attack kasunod ng pagkakahuli sa 26-anyos na si Salah Abdeslam, ang pangunahing suspek sa Paris attacks.

“We know that stopping one cell can ... push others into action. We are aware of it in this case,” pahayag niya sa public radio.