Mavs, nakaalpas sa init ng Blazers; Raptors, tumatag sa EC playoff.
DALLAS (AP) — Sa krusyal na sitwasyon, si Dirk Nowitzki ang tamang shooter sa tamang pagkakataon para sa Mavericks.
Hataw sa natipang 40 puntos ang one-time MVP, tampok ang walong sunod na opensa sa overtime, para gabayan ang Dallas sa 132-120 panalo kontra Portland Trail Blazers nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Ratsada rin si Deron Williams sa naiskor na 31 puntos at 16 assist para mailapit ang Mavericks sa kalahating puntos na pagitan sa Portland para sa ikaanim na puwesto sa Western Conference playoff. May nalalabi pang 12 laro ang Dallas, habang may 11 laro na lamang ang Portland.
Tangan din ng Mavericks (35-35) ang bentahe sa tiebreaker bunsod ng ikalawang pagwawagi sa Trail Blazers (36-35) ngayong season. Nakatakdang magkaharap muli ang dalawang koponan sa Portland sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Nanguna si Damian Lillard sa Trail Blazers sa nakubrang 26 puntos, habang nag-ambag sina Allen Crabbe ng 24 puntos, C.J. McCollum na may 22 at si Miles Plumlee na kumana ng 14 puntos at 19 rebound.
RAPTORS 105, MAGIC 100
Sa Toronto, pinatatag ng Raptors, sa pangunguna ni DeMar DeRozan na humataw sa 25 puntos, ang kapit sa division title nang pabagsakin ang Orlando Magic.
Kumubra si Luis Scola ng 20 puntos para makalapit ang Raptors sa Clevelenad para sa liderato ng Eastern Conference playoff.
Nagsalansan ng tig-21 puntos sina Evan Fournier at Victor Oladipo para sa Magic, nabigo sa ikapitong sunod na laro sa Toronto at ika-13 sa huling 14 na laban sa Raptors.
Nakadikit ang Orlando sa 97-96 mula sa 3-pointer ni Fournier may 1:11 ang nalalabi, ngunit kaagad na nakabawi ang Raptors mula sa floating jumper ni DeRozan kasunod ang dalawang free throws mula sa foul ni Ersan Ilyasova may 53.9 segundo sa laban.
PELICANS 109, CLIPPERS 105
Sa New Orleans, ratsada si Jrue Holiday sa naiskor na 22 puntos, habang kumana si Omer Asik ng season-high 15 puntos at 14 rebound sa panalo ng Pelicans kontra Los Angeles Clippers.
Hataw din sina Dante Cunningham na kumubra ng season-high 19 puntos, habang naitala ni reserve guard Tim Frazier ang season-high na 17 puntos.
Nanguna sa Clippers sina Chris Paul at J.J. Redick na humugot ng tig-24 puntos.
Sumabak ang Pelicans na wala ang premyadong player na si All-Star forward Anthony Davis, nagtamo ng injury sa kanang tuhod nitong Biyernes. Hindi na siya makalalaro sa buong season para maipagamot na rin ang napunit na ‘labrum’ sa kaliwang balikat.
KINGS 88, KNICKS 80
Sa New York, nagpiyesta si DeMarcus Cousins sa kakulangan ng player ng Knicks para gabayan ang Sacramento Kings sa naiskor na 24 puntos at 20 rebound.
Hindi nakalaro sa Knicks ang leading scorer na si Carmelo Anthony.
Nanguna sa Knicks si Robin Lopez na may 23 puntos at 20 rebound.
Bumagsak ang New York sa 0-8 ngayong season na hindi naglalaro si Anthony, may iniindang migraine.
CELTICS 120, 76ERS 105
Sa Philadelphia, anim na Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas, ang kumana ng double digit para putulin ang four-game skid sa panalo kontra Sixers.
Hataw si Thomas sa naiskor na 26 puntos, habang kumubra si Jared Sullinger ng 17 puntos at 13 rebound para sa Boston.
Sa iba pang laro, ginapi ng Utah Jazz ang Milwaukee Bucks, 94-85.