Nagkasundo na ang Pilipinas at United States sa limang base militar na maaaring paglagakan ng mga tauhan at kagamitan ng mga Amerikanong sundalo, batay sa umiiral na PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Base sa isang official statement, tinukoy ng US State Department na “EDCA Agreed Locations” ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City, at Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu.

Nilagdaan ang EDCA noong 2014 subalit hindi agad ito naipatupad matapos kuwestiyunin ng ilang sektor ang legalidad nito. Subalit noong Enero 2016, idineklara ng Korte Suprema na “constitutional” ang naturang kasunduan.

Bibisita sa Pilipinas sa susunod na buwan si US Defense Secretary Ash Carter upang talakayin ang pagpapatupad sa EDCA.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Sa taunang diyalogo, tinalakay ng dalawang panig ang mga hakbang ng Amerika sa pagtulong sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ikinatuwa rin ng Pilipinas ang panukala ng Pentagon sa US Congress na maglaan ng sapat na pondo, sa ilalim ng 2016 Southeast Asia Maritime Security Initiative, para sa mga proyektong makatutulong sa Philippine maritime security.

Sumentro rin ang talakayan sa tumitinding tensiyon sa South China Sea, at nagkaisa ang dalawang gobyerno sa pagkondena sa pagtatayo ng mga bagong outpost at pagpapadala ng karagdagang puwersa militar ng China sa lugar.

(Elena Aben)