LaMarcus Aldridge, Draymond Green

SAN ANTONIO (AP) — Ipinadamang muli ng Spurs ang ngitngit sa Warriors at pinatunayan na pagdating sa AT&T Center, walang puwedeng gumiba sa kanilang hanay – maging sino pa man.

Hataw si LaMarcus Aldridge sa 26 na puntos at 13 rebound para gabayan ang San Antonio Spurs sa paggapi sa Golden State Warriors, 87-79, nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nanatiling walang gurlis ang Spurs sa AT&T Center ngayong season, habang hinila ang dominasyon sa defending champion sa ika-33 sunod na laro sa regular-season.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hindi pa nakakatikim ng panalo ang Golden State sa San Antonio sa regular season mula noong 1997, isang taon bago nakuha ng Spurs si Tim Duncan bilang top rookie draft.

Nag-ambag si Kawhi Leonard ng 18 puntos at 14 rebound para sa San Antonio, nagwagi sa ika-44 sunod na home game sa regular season, para pantayan ang NBA record para sa pinakamahabang winning streak.

Nalimitahan ng Spurs ang opensa ni Warriors superstar Stephen Curry sa 14 na puntos mula sa 1-for-12 shooting sa 3-pointer.

Bunsod ng panalo, umusad ang San Antonio (59-10), palapit sa Golden State (62-7), para sa top seeding sa Western Conference playoff.

Kumubra naman si Klay Thompson ng 15 puntos para sa Golden State, habang pumuntos si Draymond Green ng 11.

HEAT 122, CAVS 101

Sa Miami, higit na nagningning si Dwyane Wade kontra sa dabarkad na si LeBron James sa naitalang 24 na puntos para sandigan ang Heat kontra Cleveland Cavaliers at tanghaling ika-41 na player sa kasaysayan ng NBA na nakaiskor ng 20,000 career point.

Nag-ambag si rookie Josh Richardson ng 19 na puntos, habang humugot sina Goran Dragic at Joe Johnson ng tig-18 puntos. Kumubra naman si Hassan Whiteside ng 16 na puntos at 13 rebound.

Nanguna sa Cavs si James sa natipang 26 na puntos, habang umiskor sina Richard Jefferson ng 20 puntos at Kyrie Irving na may 14 na puntos.

THUNDER 115, PACERS 111

Sa Indianapolis, nailista ni Russell Westbrook ang ikalawang sunod na triple-double, habang kumana si Kevin Durant ng 33 puntos at 13 rebound sa panalo ng Oklahoma City Thunder sa Pacers.

Tumapos si Westbrook na may 14 na puntos, 11 rebound at 14 na assist para sa kanyang ika-14 na triple-double ngayong season.

WIZARDS 99, KNICKS 89

Sa Washington, pinabagsak ng Wizards, sa pangunguna ni John Wall na may 24 na puntos at 10 assist, ang New York Knicks para sa ikaapat na sunod na panalo.

Nag-ambag sina Marcin Gortat na may 15 puntos at 11 rebound, habang kumana si Markieff Morris ng 17 puntos.

Nanguna sa Knicks sina rookie center Kristaps Porzingis at Carmelo Anthony na may tig-20 puntos.

Sa iba pang laro, natuldukan ng Denver Nuggets ang three-game road losing streak nang pabagsakin ang Charlotte Hornets, 101-93; nagwagi ang Detroit Pistons sa Brooklyn Nets, 115-103; namayani ang Memphis Grizzlies sa Los Angeles Clippers, 113-102; sinibak ng Chicago Bulls ang Utah Jazz, 92-85.