LINGGO ng Palaspas o Palm Sunday ngayon. Ang Linggo ng Palaspas ang unang natatanging araw ng Semana Santa, ikaanim ito at huling Linggo ng Kuwaresma. Ito ay paggunita sa matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem sakay ng isang donkey kasama ang kanyang mga tagasunod na masayang sumisigaw ng “Mabuhay ang Anak ni David na naparito sa ngalan ng Panginoon!” habang iwinawagayway ang palaspas at oliba. May naglatag din ng lambong o balabal sa dinaraanan ni Kristo bilang pagbubunyi. Ang Linggo ng Palaspas ang naging daan patungo sa kamatayan ni Kristo sa Krus.

Sa mga simbahang katoliko sa buong bansa at mga parokya, bahagi ng paggunita ng Linggo ng Palaspas ang pagbebendisyon ng pari sa mga palaspas na dala ng mga magsisimba. Mahirap man o mayaman. Ang bendisyon ng mga palaspas ay karaniwang ginagawa sa harap ng simbahan kasunod ang prusisyon at misa.

Mahaba ang Ebanghelyo tuwing Linggo ng Palaspas. Binabasa ng pari ang mga sakit, hirap, pagkamatay sa krus at paglilibing kay Kristo. Kaya, ang Linggo ng Palaspas ay tinatawag din na “Passion Sunday”.

Matapos magsimba, ang mga palaspas ay inilalagay sa altar ng bawat tahanan o kaya ay sa bintana at pintuan. May paniniwala ang iba, partikular na ang mga nasa lalawigan, na ang palaspas ay nagtataglay ng “bisa” at kapangyarihan laban sa masamang espiritu.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Angono, Rizal, ang pagbibendisyon ng mga palaspas ay ginaganap sa harapan ng kapilya ni San Vicente sa Barangay San Vicente. Madaling-araw pa lamang ay gising na ang mga parishioner, dala ang mga palaspas upang pabendisyunan kay Father Roy Crucero. Kung tatanawin sa malayo, tila dagat ng mga palaspas ang harap ng kapilya ni San Vicente.

Matapos ang bendisyon ng mga palaspas, sisimulan na ang prusisyon na tinutugtugan ng National Symphonic Band of Angono.

Sa prusisyon, ang nilalakaran ng pari na may hawak na malaking palaspas ay nilalatagan ng mga banig at lambong o balabal ng mga lalaki at babae patungo sa “Onsanahan” o mga plataporma na anim na talampakan ang taas na itinayo sa apat na istratehikong lugar sa kabayanan. Sila ang mga bumubuo ng Samahang “Latag-Banig-Lambong” na tuwing Linggo ng Palaspas ay isang panata nilang tinutupad.

Ang apat na “Onsanahan” ay may makulay na dekorason tulad ng mga nakasabit na makukulay na banderitas sa dulo ng “Buho” na may dahon. Pagsapit ng prusisyon sa “Onsanahan”, titigil ang pari at ang prusisyon para manalangin, ang limang batang babaeng nakaputing damit at may hawak na maliliit na basket, naglalaman ng mga confetti, ay aawit sa wikang Latin ng “Hosanna Filio David, Benedictus qui veni, In nomin Domine” (Mabuhay ang Anak ni David na naparito sa ngalan ng Panginoon). (Clemen Bautista)