MGA Kapanalig, kasama ba ang inyong anak sa mga magsisipagtapos sa kolehiyo ngayong taon?
Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), humigit-kumulang 1.2 milyong mag-aaral ang magsisipag tapos sa kolehiyo, kabilang na ang mga may kursong vocational, ngayong taon.
Tunay ngang kasiya-siya ang graduation at nararapat na magdiwang ang mga magsisipagtapos at ang kanilang mga magulang sa panibagong tagumpay na makakamit. Sa kabilang banda naman, ano nga ba ang naghihintay sa mga magtatapos ngayong taon? Ilan kaya ang papalaring makahanap ng trabaho na akma sa pinag-aralan nila? Ang ilan sa mga ito ay magkakatrabahop nga, ngunit iba sa tinapos na kurso. At ilan kaya ang mahihirapang makahanap ng trabaho at mapapasama sa malaking bilang ng unemployment rate?
Ayon sa datos ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Oktubre 2015, tinatayang nasa 1.1 milyong kabataan, nasa edad 15 hanggang 24, ang walang trabaho. Bagamat aminado si Secretary Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DoLE) na malaki pa rin ang bilang ng kabataang walang trabaho, malugod niyang ibinalita na kung ikukumpara ang datos sa nakalipas na mga taon, bumaba pa ang bilang na ito.
Isa sa mga programa ng kagawaran na nakakatulong umano sa pagbabâ ng bilang ng mga walang hanap-buhay sa nakaraang limang taon ay ang kaliwa’t kanang job fairs. Karaniwan itong idinaraos sa mga paaralan at mga mall, ayon kay Sec. Baldoz. May mga pinapalad na makahanap, at mayroon ding minalas.
Noong 2014 at 2015, ayon sa DOLE, mahigit sa 4 na milyong bakanteng posisyon o trabaho sa loob at labas ng Pilipinas ang inialok sa mga job fair, ngunit halos 400,000 lamang ang nakakuha ng trabaho mula sa 1.3 milyong aplikante. Ang bilang ng mga pinalad na makakuha ng trabaho sa mga job fair ay katumbas lamang ng 10% ng mga bakanteng posisyong inialok, at 30% lamang ng mga nag-apply.
Ibang usapin pa ang pagkakaroon ng trabaho na akma sa napag-aralan. Dahil sa dumaraming naghahanap ng trabaho at sa hangarin ng mga may-ari ng kumpanya na makuha ang pinakamagagaling na aplikante, iilan lamang ang nakakakuha ng trabahong nais o pinangarap nila.
Mahalaga po ang pagkakaroon ng trabaho, mga Kapanalig. Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binigyang-diin na ang pagkakaroon ng trabaho ay nagbibigay sa atin ng dangal bilang tao, bilang nilikha ng Diyos. Ang pagganap natin sa ating mga trabaho ay hindi lamang para sa pera. Bilang mga manggagawa, tayo ay nakikibahagi sa patuloy na paglikha ng Panginoon. Sa ating pagtatrabaho, lumalalim ang kahulugan ng ating pagiging kawangis ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)