SA huling survey ng Pulse Asia sa panguluhan, muling nanguna si Sen. Grace Poe na nakakuha ng 28 porsiyento, pumangalawa si Mayor Rodrigo Duterte sa 24%. Nagtabla naman sina VP Binay at Mar Roxas sa ikatlong puwesto na may 21%. Isinagawa ang survey, ayon sa Pulse Asia, bago lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na kuwalipikadong tumakbo ang Senadora sa pagkapangulo. Base sa naging resulta ng survey, mahirap pa ring sabihin kung sino sa mga kandidato ang mananalo dahil dikit na dikit ang kanilang laban.

Ngunit, malaking bagay para kay Roxas nang itaas ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang kamay sa harap ng mga taga-suporta, gayundin ang vice president niyang si Leni Robredo. Nilinyahan na niya ang larangan at inalis na ang anumang duda kung kanino niya ibibigay ang kanyang suporta. Kaya nagkakahugis na ang arena ng labanan, kung sino ang para kanino.

Sa Pampanga, tahasang inendorso ni Gov. Lilia Pineda ang magka-tandem na Roxas-Robredo. Sa Cavite, ang mga Revilla ay para kay Grace Poe. Kasama ng Senadora sa pangangampanya sa lalawigang ito ang maybahay ni Sen. Bong Revilla na si Cong. Lani Mercado at ang anak nitong si Jolo Revilla. Walang hinihinging kapalit, ayon sa Senadora, ang mag-ina sa ginagawang pagtulong sa kanya kung sakaling siya ang magwaging pangulo. Nakapiit kasi ngayon si Sen. Revilla habang nililitis ang kanyang kasong plunder dahil umano sa kanyang PDAF. “Kaya namin tinutulungan si Grace,” wika ni Cong. Mercado, “ay dahil kaibigan namin ang kanyang ama na si Fernando Poe at kasama ko ito sa showbiz.” Bakit noong naglaban sina dating Pangulong Gloria at Da King, para sila sa una?

Bago nagdeklara ang mga Revilla, partikular na si vice governor Jolo, ng pagsuporta kay Poe ay nasa partido na ni VP Binay si Gov. Remulla. Nang mangampanya si VP Binay sa Cavite, inalalayan siya ni Gov. Remulla.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pinag-aagawan ngayon nina VP Binay at Sen. Grace ang boto ng mga Caviteño. Kaya, higit na may interes si VP Binay na madiskuwalipika ang senadora dahil ganito rin ang nangyayari sa kanilang dalawa sa Region I at II. Kung Ilocano si Binay, Pangasinense naman si Da King. Hindi magtatagal, si Mayor Erap na ang susunod na mag-eendorso sa senadora.

Ang dahilan niya ay kapareho ng dahilan ng mga Revilla. (RIC VALMONTE)