ROXAS CITY — Kinumpleto ni Ronald Oranza ang pakikipagtipan sa tadhana sa nasungkit na ikaapat na puwesto sa pagtatapos ng ikalima at huling stage para makopo ang kampeonato sa Visayas leg ng 2016 LBC Ronda Pilipinas nitong Huwebes, sa Robinson’s Place ground dito.
Matapos ang ika-11 puwestong pagtatapos sa criterium fourth stage sa umaga, umarangkada lamang nang kaunti ang 22-anyos na rider mula sa Villasis, Pangasinan, para angkinin ang titulo tangan ang kabuuang 53 puntos.
Nasigurdo ng Philippine Navy-Standard Insurance rider ang tagumpay nang mapalawig ang bentahe sa panalo sa road race sa ikatlong stage.
“My plan is to just try to race as safely as I can and finish the race,” sambit ni Oranza.
Nakopo ni Rustom Lim ng LBC-MVP ang final stage sa tiyempong 49 na minuto at 13.52 segundo, kasunod sina Navy skipper Lloyd Lucien Reynante at Rudy Roque na naorasan ng 49:39.98 at 49:41.90, ayon sa pagkakasunod.
Sa overall classification, tumapos si Roque sa ikalawang puwesto na may 47 puntos, habang pangatlo si Lim na may 41 puntos.
Pumang-apat ang beteranong si Joel Calderon ng Navy, nagwagi sa Stage 4 criterium sa tiyempong 1:08:39.86, na may 37 puntos.
Kabilang din sa top 10 sina No. 4 Reynante (34), Mindanao Leg champion Jan Paul Morales (29), LBC-MVPSF’s Ronald Lomotos (27), Navy’s El Joshua Carino (25), John Mark Camingao (24) at Daniel Ven Carino (19).
Nakamit naman ni Novendane Alejado ng Team Iloilo ang Petron local rider award, habang naiuwi ni Morales ang ASG Sprint King at Mitsubishi King of the Mountain. (ANGIE OREDO)