Iginiit ni dating Justice Secretary at ngayo’y Liberal Party (LP) senatorial bet Leila de Lima na dapat tiyakin ng Commission on Election (Comelec) na matutuloy ang halalan na itinakda ng Saligang-batas.
Aniya, malinaw sa Konstitusyon na sa ikalawang Lunes ng Mayo dapat idaos ang halalan kaya dapat na masunod ito.
“Nakataya ang integridad ng ating demokrasya. Ito ang pangunahing pundasyon ng makabuluhang pakikilahok ng taumbayan. Ang pagpapaliban o paggamit ng manual count ay magkokompromismo sa mga boto, at higit pa rito, ang ating demokrasya,” ani De Lima.
Pinayuhan pa ni De Lima ang Comelec na mag-isip ng paraan para matugunan ang kautusan ng Korte Suprema na mag-isyu ng resibo sa mga botante.
“Sana’y tigilan na ng Comelec ang pagsasabi na ang utos ng Korte Suprema ay magreresulta sa pagpapaliban ng halalan at tumutok na lang sa kung papaano susunod sa utos ng korte,” dagdag pa ng dating kalihim.
Hinggil naman sa pangamba ng Comelec na maaaring gamitin ang mga resibo sa pagbili ng boto, sinabi ni De Lima na tumutok na lang ang Comelec sa paggawa ng mahahalagang punto para sa mga BEI para maisuko ang mga resibo pagkatapos na maipakita ito ng botante. (Leonel Abasola)