Nagbago na ang trend sa pagtanggap ng mga fresh graduate batay sa kanilang grado, matapos na matuklasan sa isang online job board survey na ang karanasan ng aplikante sa kanyang on-the-job training ang higit na pinahahalagahan ngayon ng mga kumpanya.
Binigyang-diin ni Phillip Gioca, country manager ng JobStreet.com, na natuklasan sa Fresh Graduate Survey na mas binibigyang konsiderasyon ng mga kumpanya ang performance ng aplikante sa internship nito kaysa matataas nitong grado.
Bukod sa internship experience, nais ding malaman ng mga recruiter sa job interview kung ano ang mga pinagkaabalahang extra-curricular activity sa eskuwelahan ng aplikante, gayundin ang mga naging part-time job nito.
Sa kaparehong survey natukoy na ang mga nagtapos sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang pinakapinapaboran ng mga kumpanya sa pagtanggap ng mga fresh graduate, at anim sa 10 kumpanya sa mundo ang tumatanggap ng fresh graduates batay sa eskuwelahang kanilang pinanggalingan.
Marami ang ginulat ng JobStreet.com, na nasa ikatlong taon na ng pagsasagawa ng nasabing survey, nang ibunyag nito na ang PUP, sa halip na ang mga karaniwang top-notch university, ang nanguna sa employers’ choice poll.
Umakyat ng apat na puntos ang PUP para manguna sa nasabing survey ngayong 2016.
Ayon sa Jobstreet.com, karamihan sa 550 company-respondents sa survey ang nagsabing ang mga nagtapos sa PUP ay likas na masisipag at handa sa anumang pagbabago sa kanilang trabaho. Hindi rin umano nagpapakita ng self-entitlement ang PUP graduates, at kadalasang nagtatagal sa kumpanya.
Gayunman, tinukoy din sa survey na nananatili pa ring ang ugali ng aplikante ang pangunahing konsiderasyon ng mga kumpanya, gayundin ang tungkuling gagampanan ng mga ito sa organisasyon.
Sinabi ni Gioca na pinipili rin ng mga kumpanya ang mga fresh graduate na interesadong matuto.
Samantala, nananatiling ang mga trabaho sa information technology ang nag-aalok ng pinakamalaking suweldo para sa mga bagong graduate; nasa P22,500 kada buwan noong 2015. (Betheena Kae Unite)