BONGGA si Gelli de Belen! Kahit regular host siya sa Happy Truck Happinas ng TV5 tuwing Linggo ay may cameo role siya sa FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN.
Kuwento ng taga-TV5, walang conflict sa kanila dahil nagpaalam naman si Gelli na may guesting siya sa aksiyon-serye ni Coco Martin at higit sa lahat, hindi magkatapat ang dalawang programa.
Teka, pumirma na ba si Gelli ng kontrata sa ABS-CBN? Naitanong namin ito dahil may nagtsika na hiniling daw ng TV host/actress sa Kapamilya Network na payagan pa rin siyang lumabas sa Happy Truck Happinas dahil malaki ang pasasalamat niya sa Kapatid Network sa pagsalo sa kanya nu’ng mawala siya sa GMA-7.
Samantala, gagampanan ni Gelli ang inang problemano sa kinailangan niyang kidney donor para sa anak na maysakit.
Hopeless na siya kaya kung kani-kanino siya humihingi ng tulong hanggang sa makausap niya si Eric Quizon, ang doktor na nag-oopera at kumukuha ng internal organs ng mga batang dinudukot at ibinibenta sa malaking halaga.
Kaya minamanmanan ni Cardo (Coco) si Gelli at kung sino ang kausap niya tungkol sa kidney donor.
May bago na namang aabangan ang viewers ng Ang Probinsyano gabi-gabi.