Hinamon ng coconut farmers group ang mga umaasintang maging susunod na pangulo ng bansa na ibalik sa mga magniniyog ang multi billion coco levy fund na anila’y naipit sa kamay ni Pangulong Benigno Aquino III.
Kabilang sa kahilingan nila ang ipagpatuloy ang legal claim sa pinagtatalunang 20 porsiyentong bahagi sa San Miguel Corp. na kontrolado ni SMC chairman Eduardo Conjuangco.
Sinabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Sec. General Antonio Flores, na ito ang kanilang hamon kasunod ng “word war” nina Sen. Grace Poe at Rodrigo Duterte hinggil sa usapin ng coco levy fund at pangako ng mga ito na ibabalik sa mga magsasaka ang pondo na nasa pag-iingat ng gobyerno.
Subalit naniniwala ang KMP na wala sa mga presidentiable ang nasa posisyon kung papano maibabalik sa coco farmers ang coco levy funds at hanggang salita lamang ang mga ito upang makuha ang boto ng 3.5 milyong magniniyog at ng kanilang mga pamilya sa halalan sa Mayo 9. (Jun Fabon)