Nananawagan ang biktima ng pananambang sa Santa Maria, Bulacan, na si Rufino Gravador, Jr. sa agarang pagresolba sa kasong frustrated murder na isinampa niya laban kay San Jose Del Monte Mayor Reynaldo San Pedro, na itinuturong utak sa insidente.

“Inaksiyunan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang matitibay na ebidensiya at testimonya ng mga testigo.

Maghihintay pa ba tayo ng panibagong ambush bago tayo mabigyan ng kasagutan sa nagawa ni Mayor?” tanong ni Gravador.

Nangyari ang ambush noong Disyembre 2, 2015 at naninindigan ang mga testigo na hawak ng NBI na si San Pedro ang mastermind sa pag-ambush kay Gravador.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagtamo ng mga tama ng bala sa balikat, batok, at likuran si Gravador matapos paulanan ng bala ang kanyang sasakyan.

Ang pagsisiwalat ni Gravador sa maaanomalyang kontrata ni San Pedro na nag-ugat para makasuhan ito ng plunder sa Office of the Ombudsman ang itinuturong motibo sa pananambang.

Ang plunder na tinutukoy ay ang sinasabing overpriced na P300-milyon San Jose del Monte Government Center project.

Idinawit din sa plunder case ang kasalukuyang bise alkalde ng lungsod na si Eduardo Roquero, dahil sa pag-apruba at pagpirma sa nasabing proyekto.

Ayon kay Gravador, city engineer, kumita umano ng nasa P160 milyon si San Pedro dahil sa pagpapatayo sa kontrobersiyal na gusali.

Kasalukuyan pa ring ipinoproseso ang application ni Gravador para mapasailalim siya sa Witness Protection Program.

Dahil na rin sa hiling ng NBI, naghihintay na rin ang kampo ng alkalde na mailipat sa Maynila ang mga pagdinig.

(Beth Camia)