SA Morong, Rizal, isang makasaysayang bayan na sa panahon ng himagsikan ay tinawag na Distrito Politico Militar de Morong (Morong District), isang pintor-iskultor na nagningning ang pangalan, lalo na sa finger-painting, si Rafael “Ka Paeng” Pacheco. Kinilala si Ka Paeng Pacheco na isa sa namumukod na pintor sa Pilipinas. Itinampok sa Mabini Gallery ang kanyang mga art exhibit noong 1968 hanggang 1971. Nakarating din ang mga ito sa Hidalgo Gallery sa Makati, na noon ay sentro ng sining.
Nagkaroon na rin siya ng mga solo art exhibit sa Asia, US at Europa, at maging sa Middle East, at naging artist ng Philippine Airlines mula 1985 hanggang 1994. Ang art gallery ni Ka Paeng Pacheco ay nasa Ugong Park sa Morong, na kapag may mga bumibisita ay bahagi ng pasasalamat sa mga panauhin ang 30-minutong art demonstration sa finger-painting ni Ka Paeng. Nagkaroon din ng art exhibit si Ka Paeng sa SM Megamall sa Mandaluyong.
Sa layuning patuloy na mabigyang-buhay ang larangan ng sining at maitampok ang Philippine Art, ipinagdiwang ang ika-50 taon o Golden Year ng Sining ni Ka Paeng Pacheco. Ginawa niya ito sa harap ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga kapwa artist, kabilang ang Rizal Lakeshore Artist. At upang lalong maging makahulugan, naghanda ang mga kapwa niya pintor ng iba’t ibang gawain, tulad ng mga workshop tungkol sa art education, lecture demonstration at art exhibit sa Uugong Nature Park sa Morong.
Naging bahagi ng Ginintuang Taon sa Sining ni Ka Paeng Pacheco ang pagbubukas ng Pacheco Hall sa Morong National High School Museum. Nasa museo ang mga obra ni Ka Paeng, kasama na ang “Ang Kayamanan ni Lola Sela”.
Bilang isang Rizalenyo at anak ng Morong, nagbigay si Ka Paeng ng 13 obra sa bagong munisipyo ng Morong, at personal itong tinanggap ni Mayor Mando San Juan. Nagpaabot ng tapat na pasasalamat si Mayor San Juan sa kagandahang-loob ni Ka Paeng. Habang panahong iingatan at ituturing na mahalagang yaman at bahagi ng sining at kultura ng Morong ang mga kaloob na likhang-sining ni Ka Paeng.
Gayunman, nagluksa ang mga alagad ng sining sa Rizal, partikular ang mga taga-Morong, sapagkat nitong Marso 6 ay nagbalik na si Ka Paeng sa kanyang Manlilikha sa edad na 83, matapos ang matagal na pagkakasakit.
Salamat sa mga alaala, Ka Paeng Pacheco. Paalam. Buhay ang mga alaala mo sa iyong mga likhang-sining.
(CLEMEN BAUTISTA)