KAMAKAILAN lamang ay tinalakay sa kolum na ito ang tungkol sa “kabaong bus”. Iyong mga bus na kahit lumang-luma na at halos magkalasug-lasog na habang tumatakbo ay pinapayagan pa ring magkalat sa mg lansangan. Ang mga bus na ito ang karaniwang nasasangkot sa mga aksidente. Dapat na talaga itong ipagbawal.

Ngayon naman ay ilalahad ng inyong lingkod ang tungkol sa mga jeepney na kakarag-karag at nagsisiharurot na akala mo ay mga eroplanong nawalan ng pakpak at nagsilapag sa lupa at napakatutulin ng takbo. Hindi ba’t dapat na ring ipagbawal ang mga ito?

Katulad ng mga kabaong bus, ang mga pampasaherong jeep na lumang-luma na at napakabibilis tumakbo ay dapat na ring ipagbawal. Karamihan sa mga ito ay tila mas matanda pa kay Mahoma. Makikita mo naman ang mga hitsura nito. Tagpi-tagpi, napaliligiran ng kalawang, kumakalampag na parang may hila-hilang mga balde, ang makina ay maiingay na parang gusto nang sumuko at mamahinga pero ayaw payagan ng kanyang amo.

Saksakan ng bibilis, pakiwal-kiwal kung patakbuhin ng driver na mapagkakamalan mong lasing. May mga jeep din na tila dumadagundong na dahil sa lakas ng mga radyo at aakalain mong nasa loob ka ng isang videoke bar.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil sa bilis ng mga ito ay malimit silang makabangga ng nakakasalubong na sasakyan. May pagkakataon din na nakakasagasa sila ng tao na naghihintay lamang ng kanilang masasakyan. Sobra na at hindi na tama ito. Hihintayin pa ba natin na tayo mismo o kaya’y mahal natin sa buhay ang maging biktima ng nakamamatay na sistemang ito?

Dapat ding ipagbawal ang mga driver na nasangkot na sa mga matitinding aksidente. Isama na rin ang mga driver na hindi sumusunod sa tamang kasuotan; ‘yong mga nakasando, tsinelas at boxer shorts na kapag natatapatan ng malakas na hangin, lahat ng amoy ng driver ay kumakalat sa loob ng jeep. Hindi bale sana kung ang mga driver na ito ay wala noong tinatawag na “It’s you they are talking about.” Kung magkataong ang kili-kili ng mga ito ay kaamoy ng barakong kambing? Lalo na kung sasabayan ito ng hithit at buga ng sigarilyo kapag walang pulis, Diyos na mahabagin! At mainit na mainit pa naman ngayon ang panahon.

Nararapat lang na pagtuunan ito ng pansin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), o ng Land Transportation Office (LTO), o anumang kawani na dapat umaksiyon dito. Kawawa naman ang mga pasahero. Pagkatapos magbayad ng pasahe, sa kanilang pagbaba ay maghahanap naman ng botika para bumili ng gamot dahil sila ay nahihilo.

Ano ang dahilan? Ang paliku-liko at mabilis na takbo ng sasakyan o dahil sa amoy ng driver? Alin sa dalawa?

Konting awa naman at pagtingin sa mga pasahero. (ROD SALANDANAN)