barredo copy

Barredo, napiling iskolar ng Badminton World Federation.

Tapik sa balikat sa matagal nang paghahangad ng bansa na muling makapagpadala ng badminton player sa Olympics ang pagkakapili kay teen sensation Sarah Joy Barredo bilang iskolar ng Badminton World Federation (BWF) sa kanilang Asia Olympic Project (AOP) Scholarship.

Ang naturang scholarship ay ipinagkakaloob ng world federation sa mga natatanging player mula sa mga developing countries tulad ng Pilipinas.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Inirekomenda ng Philippine Badminton Association (PBA) sa naturang programa si Barredo bunsod nang matikas niyang kampanya sa lokal at international tournament.

Kamakailan, ginapi ng 17-anyos na si Barredo, ang mas mga beteranong karibal para angkin ang women’s open singles title ng Prima Pasta badminton Championship – isa sa torneo na sanctioned ng PBA na naglalaan ng ranking points para sa National Team.

Walang pagsidlan naman ang kasiyahan ni Barredo sa panibagong biyayang nakamit sa sports na naging daan para makapagpatuloy siya ng pag-aaral.

“Maraming-maraming salamat po sa Diyos sa dagdag na biyayang ibinigay sa akin at sa pamilya ko. Pinasasalamatan ko din po ang pamunuan ng PBA ang aking mga teammates, coaches at mga taonng naging bahagi ng aking tagumpay,” pahayag ni Barredo.

Buhay na patotoo si Barredo sa kawikaan sa ingles na ‘rug to riches’.

Matapos masira ang tinitirahang tahanan, pansamantalang nanuluyan ang pamilya ni Barredo, sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) kung saan nagtatrabaho bilang clerk ang kanyang ina, sa athletes quarter ng Rizal Badminton Center.

Sa murang idad na 10-anyos, kabilang si Barredo sa sports camp na programa ng PSC para sa mga anak ng empleyado. Sa naturang programa namulat ang kanyang isipan sa sports at sa pakikihalubilo sa mga empleyadong player at mga dating national player, nahasa ang kanyang talento sa badminton.

“Dati po, nakikipalo lang ako sa mga empleyado na naglalaro ng badminton tapos tinuturuan din ako nina Kuya Nato (mensahero ng PBA) at Kuya Roy,” balik-gunita ni Barredo.

‘Dahil sa kanila natuto ako. At dahil sa badminton nakapag-aral ako at napabilang sa national training pool,” aniya.

Ikinatuwa rin ni PBA Secretary-General at Negros Occidental Rep. Albee benitez ang pagkakapili ng BWF kay Barredo.

Aniya, malaking tulong ito para maabot nito ang mas mataas na antas na kaalaman at kasanayan sa sports.

“We are thankful to the BWF for giving Sarah Barredo this scholarship. It will help her improve on her badminton skills,” pahayag ni Benitez. “I am confident that she will become a stronger player after this.”

Huling Pinay na nakapaglaro sa Olympics si Amparo ‘Weena’ Lim noong 1996 Atlanta Olympics.

May kabuuang 20 junior player, kabilang na si Barredo, mula sa Asian region ang binigyan ng scholarship ng BWF, sa pangangasiwa ng

Asia Development Team (ADT) of Badminton Asia. (Edwin G. Rollon)