ANG Pambansang Araw ng Mauritius ay taun-taong ipinagdiriwang tuwing Marso 12. Ginugunita nito ang araw na nabawi ng bansa ang kalayaan nito mula sa United Kingdom noong 1968 at ang pagkakatatag sa Republika ng Mauritius noong 1992.

Ang Republika ng Mauritius, isang volcanic island nation na matatagpuan sa timog-kanluran ng Indian Ocean, ay binubuo ng mga isla ng Mauritius, Cargados, Carajos, Rodriguez, at Agalega. Kilala ito sa naggagandahang dalampasigan, lagoon, at bahura. Ang kabisera ng bansa, ang Port Louis, ay ang sentro ng ekonomiya, kultura, at pulitika ng bansa. Tinatampukan ito ng pinagsama-samang impluwensiya ng mga banyaga at nag-aalok din ng magagandang lugar, gaya ng Champs de Mars horse track, ang kolonyal na plantasyon ng Eureka, at ang ika-18 siglo na Botanical Garden.

Naging kolonya ng Britanya ang Mauritius noong 1810. Sa ilalim ng administrasyong British, naranasan ng bansa ang mabilis na pagbabagong panlipunan at pang-ekonomiya. Taong 1828 nang buwagin ang color bar. Gayunman, hindi itinalaga ang mga taong may kulay sa matataas na posisyon sa gobyerno hanggang isang “brilliant journalist of mixed origin” na may pangalang Remy Ollier ang nagpetisyon kay Queen Victoria para pahintulutan ang mga may kulay na maging kasapi ng gobyerno. Lumipas pa ang ilang taon bago ito naaprubahan.

Nang maging malaya ang Mauritius mula sa Britain noong Marso 12, 1968, isang bagong konstitusyon ang binuo at itinalaga ang una nitong prime minister. Gayunman, nananatiling si Queen Elizabeth II ang pinuno ng estado. Noong Marso 12, 1992, iprinoklama ang bansa bilang isang republika sa ilalim ng British Commonwealth. Si Sir Veerasamy Ringadoo ang una nitong pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May mayamang kasaysayan ng maayos na ugnayan ang Pilipinas at ang Mauritius. Sa courtesy call ni Ambassador-designate of the Philippines Bayani Mangibin kay Mauritius Prime Minister Sir Anerood Jugnauth sa Fort Louis noong Pebrero 13, 2015, tinalakay nila ang posibilidad ng pagtutulungan para sa pagsusulong ng turismong medikal. Pinag-usapan din nila maging ang mga usaping may kaugnayan sa mga umiiral na kasunduan na lilikha ng pinaigting na pagtutulungan sa sektor ng ekonomiya, sa bisa ng isang kasunduang pang-ekonomiya, siyentipiko, at pang-teknolohiya; at isang bilateral mechanism sa pagitan ng Ministry of Foreign Affairs ng Mauritius at ng kaparehong kagawaran sa Pilipinas, bilang mga prioridad na tutukan. Tinalakay din ng dalawang panig ang paglagda sa isang Investment Promotion and Protection Agreement at isang Double Taxation Avoidance Agreement.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republika ng Mauritius, sa pamumuno nina President Ameenah Gurib-Fakim at Prime Minister Anerood Jugnauth, sa pagdiriwang nila ng Pambansang Araw.