Inihayag ng ONE Championship ang inisyal na siyam na laban sa gaganaping ONE: GLOBAL RIVALS sa Abril 15 sa MOA Arena na tatampukan ng tatlong premyadong Pinoy fighter at dalawang Fil-foreign MMA star.

Nakatakdang maglaban sa main event sina ONE Welterweight World Champion Ben “Funky” Askren at sumisikat na Russian Nikolay Aleksakhin.

“We have an absolutely stacked card planned for fight fans in Manila, and we’re happy to be back at the Mall of Asia Arena for another awesome night of MMA. Each time out, our Manila show gets bigger and better, and this year is no exception,” pahayag ni ONE executive Victor Cui.

Mabibili na ang tickets sa lahat ng SM ticket boot o sa online www.smtickets.com.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Isa si Askren, dating NCAA Division I All-American at wrestling Olympian, sa premyadong fighter ng ONE at ang husay at bilis ng kanyang karibal ang inaasahang magbibigay ng walang patumanggang aksyon sa kanilang duwelo sa harap ng Pinoy MMA aficionado.

Pangungunahan naman ni Team Lakay bantamweight Geje “Gravity” Eustaquio, dating wushu international champion, ang laban ng Pinoy sa kanyang pakikipagtuos kay Malaysian star Gianni Subba.

Galing si Eustaquio sa impresibong one-punch knockout win kontra Malayusian Saiful Merican.

Hindi pahuhuli si featherweight standout Eric “The Natural” Kelly ng Baguio City na mapapalaban kay Timofey Nastyukhin ng Russia, kilala bilang matikas na grappler.

Naitala ni Nastyukhin ang malalaking TKO win sa kanyang career kontra Japanese Yusuke Kawanago at Pinoy Eduard ‘The Landslide’ Folayang.

Mapapanood naman ang husay ng 24-anyos na Filipino-Australian bantamweight standout na si Reece “Lightning” McLaren kontra kay Muin Gafurov.

Sumikat si McLaren nang gapiin niya via submission ang MMA star na si Mark “Mugen” Striegl sa nakalipas na laban sa Malaysia.

Target naman ni Team Lakay Honorio “The Rock” Banario na makabawi sa kabiguang natamo, ngunit sa pagkakataong ito sa kababayang si Vaugh Donayre na nakabase sa Dubai.

Sa women’s bout masusubok si Fil-Australian Natalie Gonzales Hills kontra kay Team Lakay’s April Osenio.

Sasabak naman ang 21-anyos na si Bernard “Hitman” Soriano kontra Indonesian Sunoto sa three round bantamweight contest, habang sasalang sa kauna-unahang pagkakataon si Team Lakay flyweight Danny Kingad laban kay Muhamad Haidar ng Malaysia.