Pinatatag ng defending men’s champion Ateneo de Manila ang kapit sa solong liderato matapos walisin ang University of the Philippines, 25-9, 27-25, 25-15’ kahapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 78 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nagtala ng 16 puntos, tampok ang 12 hit at dalawang service ace si Ysay Marasigan habang nagdagdag ng 15 puntos ang reigning back-to-back MVP na si Marck Espejo upang pangunahan ang Blue Eagles sa pagkopo ng kanilang ikawalong panalo sa siyam na laro.
Bukod sa kanilang puntos, nagdagdag si Marasigan ng apat na dig at 10 excellent reception kay Espejo para sandigan ang Blue Eagles sa loob ng isang oras at 12 minuto.
Nanguna sa Maroons si Gerald Valbuena na umiskor ng pitong puntos.
Sa isa pang laban, nasolo ng National University ang ikatlong puwesto makaraang umangat sa barahang 6-3, matapos talunin ang winless pa ring University of the East, 25-20, 18-25, 25-21, 29-27.
Tumapos si Madzlan Gampong sa Bulldogs sa 21 puntos habang nanguna naman para sa Red Warriors si Edward Camposano na may 18 puntos. (Marivic Awitan)