Nanawagan ang pamunuan ng Honda Cars Philippines, Inc. (HCPI) sa mga may-ari ng Honda Jazz (2012-2013), City (2012-2014), at CR-V (2011) na isumite ang kanilang sasakyan sa preventive measures bunsod ng pinaghihinalaang depekto sa driver’s airbag inflator.
Bagamat hindi pa kumpirmado ang naturang depekto, sinabi ng mga opisyal ng HCPI na kanilang isinusulong ang “proactive action” upang matiyak na nananatiling ligtas ang mga nabanggit na Honda unit at maiwasan ang aberya.
Hanggang sa ngayon, wala pang naiulat na aksidente na nangyari sa Pilipinas na may kinalaman sa naturang usapin.
Dahil dito, hiniling ng HCPI sa mga may-ari ng mga nasabing unit na tumawag sa ano mang awtorisadong Honda car dealership para maitakda ang kanilang free service appointment.
Aabutin lamang ng isang oras ang pagpapalit ng apektadong air bag inflator at hindi sisingilin ang Honda car owner sa parts at labor cost.
Humingi na rin ng paumanhin ang pamunuan ng HCPI sa abalang naidulot ng proseso sa pagsasaayos ng mga apektadong Honda unit.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa mga Honda Car dealership at service center sa (02) 857-7240 o mag-email sa [email protected].
Maaari ring bumisita ang mga customer sa HCPI website www.hondaphil.com kung saan makikita ang frame number ng mga apektadong unit na aabot sa 19,624. (ARIS R. ILAGAN)