Sharapova Drug Test Tennis

MOSCOW (AP) — Tulad ng inaasahan, hindi lamang career kundi maging endorsement deal ang tinamaan sa pag-amin ni tennis superstar Maria Sharapova na nagpositibo siya sa ipinagbabawal na droga bunsod ng kapabayaan.

Ilang oras matapos ang isinagawang press conference kung saan ipinahayag ni Sharapova na nagpositibo siya sa meldonium nitong Australian Open, kaagad na naglabas nang magkakahiwalay na pahayag ang Swiss watch brand Tag Heuer, German luxury car company Porsche, Evian water at sportswear giant Nike ang pag-atras sa pagsuporta sa Russian star.

Isinapubliko ni Sharapova ang resulta ng drug test ng Australian Open at kaagad na humingi ng paumanhin, gayundin ang pag-amin na binalewala niya ang mensahe ng International Tennis Federation (ITF) kung saan kabilang na ang meldonium sa banned substance ng World Anti Drug Agency (WADA) ngayong taon.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

"I know that with this, I face consequences. I have to take full responsibility because it's my body and it's what I put into my body and I can't blame anyone but myself," sambit ni Sharapova.

Wala pang opisyal na pahayag ang ITF hingil sa ipapataw na kaparusahan, ngunit kung pagbabasehan ang batas ng WADA, posible siyang ma-banned ng hindi bababa sa isang taon at pigilang makalahok sa Rio Olympics sa Agosto.

"We have decided to suspend our relationship with Maria while the investigation continues," pahayag ng Nike.

Iginiit naman ng Tag Heuer na hindi na nila ire-renew ang sponsorship deal na pumaso nitong Disyembre, habang nagsabi ang Porsche at Evian water na magmamasid at maghihintay sa resulta ng imbestigasyon.

Ayon sa pamosong Forbes, si Sharapova ang pinakamayamang babaeng atleta na kumita ng $32 milyon at $29 milyon sa endorsement, labas pa ang kinita sa kanyang negosyong Shapova candy.