Inilabas na kahapon ng Sandiganbayan ang hold departure order (HDO) laban sa sinibak na alkalde ng Makati City na si Jejomar Erwin “Junjun” Binay.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.
Sinabi ni Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, bukod kay Binay, pinagbawalan ding lumabas ng bansa ang 13 iba pang akusado na karamihan sa mga ito ay aktibo pa ring opisyal ng pamahalaan ng Makati.
Ayon kay Pulma, ito ay upang hindi matakasan ng mga akusado ang kanilang kinakaharap na kaso sa hukuman.
Kaugnay nito, inatasan ng anti-graft court ang Bureau of Immigration (BI) na isama ang pangalan ni Binay at mga co-accused nito sa kanilang hold departure list.
Si Binay ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at six counts ng falsification of public documents kaugnay ng umano’y overprice na konstruksiyon ng Makati City Hall Building 2.
Matatandaang kinasuhan si Binay at iba pang akusado nitong nakaraang buwan kung saan tinukoy ng Office of the Ombudsman na nagsabwatan sina Binay at mga opisyal ng Makati City upang ipagkaloob ang kontratang aabot sa P2.2 bilyon sa construction firm na Hilmarc para sa implementasyon ng nasabing proyekto. (ROMMEL P. TABBAD)