Ilang araw bago magsimula ang kampanya para sa local candidates sa Marso 26, pinaalalahanan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang mga lokal na kandidato na huwag masyadong mag-ingay sa gagawing pangangampanya.
Noong nakaraang taon ay inaprubahan ng konseho ang anti-noise ordinance kasunod ng mga reklamo ng mga residente sa mga subdibisyon kaugnay ng peligrong dulot ng labis na ingay o “dangerous noise” mula sa mga banda, karaoke machine at loudspeaker tuwing may piyesta.
Alinsunod sa ordinansa, lalabag sa batas ang indibiduwal o partido pulitikal na gagamit sa mga pampublikong lugar ng videoke machine, sound system na may amplifier, at radio component na may malakas na tunog nang walang kaukulang permiso.
Ang mga nais na gumamit ng sound machine ay dapat na kumuha ng permit sa barangay tatlong araw bago ang paggamit nito.
“The excessive, unnecessary or offensive noise within the city is detrimental to public health, comfort, convenience, safety, welfare and general prosperity of the residents and therefore declared as public nuisance,” ani Olivarez.
Itinatakda ng ordinansa na ang paggamit ng sound system na may amplifier at loud speaker ay lilimitahan hanggang 10:00 ng gabi, habang bawal din ang mga sound machine sa may hanggang 10 metro ang layo sa eskuwelahan, simbahan at ospital.
Pagmumultahin ng P2,000 at 20-oras na community service ang ipapataw sa mga lalabag, habang P3,000 naman ang multa para sa business entity o suspensiyon ng business permit, depende sa rekomendasyon ng anti-noise enforcement board.
(Bella Gamotea)