COMATOSE pa rin si Tita Angge.
“As of now, sabi ng doktor brain damage na si Tita Angge kasi 20-25 minutes pala siyang nawalan ng hangin sa ulo ‘tapos five minutes nawalan ng pulso, so delikado ‘yun,” simulang kuwento ni Sylvia Sanchez nang tawagan naming kahapon para hingan ng update sa kalagayan ng kanyang manager.
“Malalaman namin bukas (ngayong araw) kung ano’ng desisyon ng doctor. Kasi kung itutuloy, magiging lantang gulay na si Tita Angge at 24 hours siyang may bantay, mahirap ‘yun kasi.”
Siya ba ang may final decision since sa kanya pala ibinilin ni Tita A ang pamilya nito?
“Ay, hindi ako ang magdedesisyon kasi may anak at kapatid naman si Tita A. So, hindi ako, pero kung ako ang tatanungin nila, alam nila kung ano ang desisyon ko,” mabilis na sabi sa amin ng aktres.
Matagal na palang inihabilin ni Tita Angge kay Ibyang ang mga anak nito, na kapag hindi pa nakatatapos sa pag-aaral ay ang aktres ang magpapatuloy. Ngayon, isa na lang ang hindi pa graduate.
Mahigit dalawang dekada nang magkasama sina Tita A at Ibyang, simula nu’ng nag-artista ang huli. Dalaga pa si Ibyang nang maging manager niya si Tita A. Noong ilo-launch na siya ng Seiko Films, saka naman siya na-in love at napangasawa ni Papa Art Atayde, kaya naudlot ang pagsikat ng aktres.
Galit na galit si Tita Angge sa biglaan niyang pag-aasawa, pero kalaunan ay tinanggap na rin at itinuring nang apo ang mga anak nila na sina Arjo, Ria, Gela at Xavi Atayde.
May usapan silang dalawa ni Tita Angge.
“Wala kaming iwanan at ang makakapaghiwalay lang sa amin ay kamatayan. Maski na nag-aaway kaming dalawa na hindi naman naiiwasan lalo na sa trabaho, hindi nagtatagal dahil after two days, tatawag na ang isa sa amin at magtatanong kung hindi na mainit ang ulo, ganu’n lang kami,” kuwento ng aktres.
Si Tita Angge ang nanay ni Ibyang sa showbiz, kaya kahit saang bansa magpunta ang pamilya Atayde ay parating kasama ang manager niya maliban na lang kung hindi puwedeng umalis dahil sa rami ng trabaho.
Bukod kay Sylvia ay mina-manage rin ni Tita A sina Smokey Manaloto, Lotlot de Leon, Maila Gumila at iba pa.
(REGGEE BONOAN)