BUWAN ng kababaihan ang Marso. At pagsapit ng Marso 8, ito’y isang mahalaga at natatanging araw sapagkat ipinagdiriwang ang “International Women’s Day”.
Isa lamang ang Pilipinas sa mga bansa sa daigdig na nakikiisa sa natatanging pagdiriwang bilang pagpupugay at pagkilala sa kababaihan.
Ito ang pagkakataon para kilalanin ang mga Pinay sapagkat malayo na ang kanilang narating at hindi biro ang kanilang mga naiaambag sa lipunan. Dito sa ating bansa, halos lahat ng sektor ng lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang sangkap sa kaunlaran.
Ang International Women’s Day ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910, bilang pagkilala sa pakikipaglaban sa mga karapatan ng kababaihan. Sa kahilingan ito ni Clara Zetkin, isang German labor leader, sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan. At noong 1977, isang resolusyon ang pinagtibay ng General Assembly ng United Nations na nag-aatas sa mga kasaping bansa na ipagdiwang ang International Women’s Day tuwing ika-8 ng Marso, taun-taon.
Nagsimula naman ang pagdiriwang sa iniibig nating Pilipinas noong Marso 8, 1981, kasabay ng pagtutol ng mga kababaihan sa kahirapan.
Nabigyan ng proteksiyon ang mga kababaihan sa ating bansa dahil sa House Bill 3766 o ang Act Providing for the Magna Carta for Women. Napapanahon ang nasabing batas sapakat hindi maikakaila na sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan, ang mga kababaihan ay madalas na biktima ng diskriminasyon, sexual harassment ng malilibog at maniac nilang amo, boss sa opisina, at iba pang pang-aapi at paglalapastangan sa kanilang dangal at dignidad. Nangyayari ito sa mga pabrika, paaralan, pelikula, telebisyon at iba pang business establishment na kanilang pinaglilingkuran. At sa mga tahanan naman, marami sa mga kababaihan ang “battered wives” o biktima ng pambubugbog ng kanilang asawang tamad, batugan, drug addict, lasenggo at iresponsable.
Dahil sa mga nabanggit, upang mabigyan pa ng proteksiyon ang kababaihan, isang karagdagang batas pa ang pinagtibay sa Kongreso na nagtatanggol sa mga kababaihan. Ang batas ay ang Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children. Mamamahay sa kulungan at maghihimas ng rehas na bakal ang mga mister na malupit at nambubugbog ng kanilang misis at anak. Upang maipatupad ang batas, itinatag ang “Women’s Desk” sa bawat police station ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng mga bayan sa mga lalawigan at lungsod. (CLEMEN BAUTISTA)