Haharapin ni WBO Oriental super flyweight champion Aston “Mighty” Palicte ng Pilipinas ang palabang si Junior Granados ng Mexico sa Marso 12 sa Merida, Mexico.
Sasamahan ang 25-anyos na si Palicte (20 panalo, tampok ang 17 TKo at isang talo), ng kanyang trainer na si Joven Jimenez, ayon sa kanyang manager na si Jason Soong.
Nakopo ni Palicte ang titulo nang gapiin si Vergilio Silvano via unanimous decision noong Nobyembre 13, sa Philippine Navy Gym sa Taguig City.
Naghanda at nagsanay si Palicte sa Elorde Gym sa Manila kasama ang sparring mate na si Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ng Davao City.
“Medyo delikado kasi magaling ang kalaban ni Aston,” sambit ni Jimenez.
Tangan ng 23-anyos na si Granados ang 14-4 karta, tampok ang 8 TKO. Dating niyang hawak ang WBC Mundo Hispano flyweight title. Natalo siya sa world title fight kay WBO Inter-Continental super flyweight champion Jamie Conlan noong Hulyo 4 sa Dublin, Ireland.
Nakabawi naman siya via majority decision kontra sa kababayan niyang si Samuel Gutierrez noong Oktubre 3 sa Yucatan, Mexico.
Naselyuhan ang laban ni Palicte kay Granados sa pamamagitan ni GAB-licensed matchmaker Robert Yanez ng JYT Boxing International.
Ang tanging kabiguan ni Palicte ay via retirement kay Romnick Magos sa championship fight para sa bakanteng WBO Asia Pacific Youth flyweight title noong Disyembre 2012.
Nagawang niyang makuha ang bakanteng IBF Youth super flyweight nang pabagsakin si Detnarong Omkrathok ng Thailand nitong Enero 31, sa USEP Gym sa Davao City.
Nakilala ang pambato ng Bago City, Negros Occidental nang patulugin si Mexican Ismael Garnica sa Cotai Arena, Venetian Resort sa Macao sa nakalipas na taon. (Gilbert Espeña)