Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na bababa ang presyo ng tinapay ngayong buwan.
Sa Marso 29 inaasahang ipatutupad ng samahan ng mga panadero sa bansa ang 50 sentimos na rollback sa Pinoy tasty, o loaf bread, sa mga pamilihan.
Ayon kay DTI Undersecretary Victor Dimagiba, ang napipintong bawas-presyo sa tinapay ay bunsod ng stable na presyo ng harina, bukod pa sa nakatipid ang mga panadero sa gastusin sa transportasyon dahil sa mababang halaga ng petrolyo.
Hindi naman pinagbigyan ng mga panadero ang hirit ng DTI na gawing piso ang rollback sa presyo ng tinapay matapos igiit na nananatiling mataas ang presyo ng asukal at iba pang sangkap sa paggawa ng tinapay, gaya ng mantikilya at gatas.
Nobyembre 2015 nang nagbawas ng piso sa presyo ng tasty bread, habang 25 sentimos naman ang tinapyas sa pandesal.
(Bella Gamotea)