HALOS linggu-linggo na lamang nagsasagawa ang mga opisyal ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa ng tinatawag na ‘Oplan Galugad’. Kung hindi ako nagkakamali, umabot na ito sa 20 beses. At sa kagustuhang magpasikat ng mga namumuno sa nasabing bilangguan ay baka umabot pa nga ito sa 100 beses.

Ano ba talaga ang layunin ng Oplan Galugad? Para saan ito? Bakit hindi masugpo ang mga ilegal na bagay na tuwina’y nakukumpiska sa loob ng Pambansang Bilibid? Wala na bang ibang gagawin ang mga opisyal kundi ang maggalugad nang maggalugad? Ang mga opisyal at mga tauhan ba ng Munti ay itinalaga lamang sa kanilang trabaho para maggalugad?

Sa 20 beses na isinagawang panggalugad sa piitang iyan ay marapat lamang na nakaisip na ng pinal na solusyon ang mga namumuno sa Munti para hindi sila mapagod at magsawa sa kakagalugad linggu-linggo. Mag-isip sila ng permanenteng solusyon at hindi iyang para silang mga nangangaso na laging naghahanap ng mga baboy-ramo sa gubat.

Sa malimit nilang paggagalugad sa mga selda at kubol ng mga bilanggo, humigit-kumulang ay alam na nila kung sinu-sino ang mga bilanggong sangkot at may kagagawan ng pagkakaroon ng mga ilegal na bagay sa kanilang selda. Ilan sa mga nakumpiska ay karaoke, jakuzzi, refrigerator, telebisyon, telepono, baril, sumpak, balisong, itak at kung anu-ano pa. Siguradong alam na nila kung sino ang mga may kagagawan at may-ari ng mga ito. Bakit kailangang ulit-ulitin ang paggalugad?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dapat ay ibartolina ang mga bilanggong matitigas ang ulo at naghahari-harian sa loob ng bilibid. Kung hindi man ay ilipat sa ibang bilangguang malayo sa Metro Manila, halimbawa ay sa Penal Colony sa Davao at iba pang lugar. Kung maaari ay ipadala na sa Maguindanao o sa Sulu at ipadukot na sa mga Abu Sayaff para doon sila mag-videoke at mag-jacuzzi. Umisip sila ng paraan kung papaanong maparurusahan ang mga matitigas na bilanggo.

Sa mga susunod na linggo ay siguradong magsasagawa na naman ng Oplan Galugad. At sigurado ring mayroon na naman silang makukumpiskang kung anu-anong ilegal na bagay. Uulit-ulitin na lamang nila iyan hanggang sa walang katapusan na para na lamang silang naglolokohan.

Ang piitan ay parusahan o repormahan ng mga nahatulang nagkasala. Hindi dausan ng bisyo, hindi pagpapasarap, at lalong hindi pananalbahe sa mga opisyales ng New Bilibid Prison. (ROD SALANDANAN)