ANG tag-araw ay panahon ng kapistahan sa mga bayan sa iba’t ibang lalawigan ng iniibig nating Pilipinas. At isa sa mga bayan sa Rizal na nagdiriwang ng kapistahan tuwing unang Linggo ng Marso ay ang bayan ng Teresa. Ito ang bayan na nasa pagitan ng Antipolo City at Morong na ang dakong silanganan ng kabayanan ay napapaligiran ng bundok na mayaman sa limestone o apog marmol at semento. Ang pagdiriwang ng kapistahan ng Teresa ay bahagi ng kanilang pasasalamat sa Poong Maykapal at patnubay ng kanilang patron na si Santa Rosa de Lima at pagpapahalaga na rin sa kanilang tradisyon na nakaugat na sa kultura ng mga mamamayan.

Ang simula ng pagdiriwang ng kapistahan ng Teresa ay sinimulan nitong Pebrero 29 ng gabi na sinundan noong Marso 1 hanggang 3 ng AMARA (Adobe, MARmol, Apog), isang mini trade fair sa Plaza ng Teresa. Naging mga panauhin sa pagdiriwang sina Rizal Governor Rebecca Nini Ynares at Department of Trade and Industry (DTI) Director Mercy Parreno. Kalahok sa mini trade fair ang lahat ng mga negosyante sa Teresa.

Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang amateur singing contest, ang ‘Gabi ng DepEd’ sa pangunguna ni District Supervisor Mechor Garin, ang ‘Sing and Dance Concert’ na nilahukan ng mga kabataang babae at lalaki.

At ngayong Marso 6, araw ng kapistahan, isang concelebrated at Misa ng Pasasalamat ang idaraos sa bagong simbahan ng Sta. Rosa de Lima parish na pangungunahan ni Rev. Father RomaRico Hilario, kura paroko ng Parokya ng Sta. Rosa de Lima.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang bayan ng Teresa, ayon sa kasaysayan, ay unang nakilala noong 1732 nang itayo dito ang Visita de Sta. Rosa de Lima ng mga paring Fanciscano. Makalipas ang ilang taon, sa kahilingan ng mga naunang pinuno, ang Barangay Sta. Rosa, Barangay Pantay, Barangay Prinsa, at Barangay Buhangin ay ginawang iisang bayan at tinawag na Oroquieta. Noong Agosto 10, 1878, pinagtibay ng administrasyong civil ang kahilingan ng mga mamamayan. Ang dating tawag na Oroquieta ay pinalitan ng TERESA.

Ito ay hango sa pangalan ng ina ng abugadong Kastila noong panahon na hindi naniningil ang mga taga-Teresa. Ang Teresa na ipinalit sa Oroquieta ay bilang pasasalamat sa butihing ina ng nasabing abugadong Kastila na matagal nanirahan sa Teresa. (CLEMEN BAUTISTA)