Patuloy ang pagbuhos ng pakikiramay at simpatiya mula sa mga kaibigan, kaanak at residente sa burol ni Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad, na sumakabilang buhay nitong Biyernes ng hapon.
Nakaburol ang labi ng 82-anyos na dating alkalde sa kanyang tirahan sa Park Avenue sa lungsod hanggang ngayong Linggo ng umaga bago ito dalhin sa Cuneta Astrodome sa Lunes, at ang public viewing ay sa Martes.
Dakong 1:30 ng hapon nitong Biyernes nang bawian ng buhay si Mayor Peewee habang naka-confine sa Asian Hospital and Medical Center sa Alabang, Muntinlupa City dahil sa chronic pulmonary disease.
Ikinalungkot naman ni Atty. Cristina Bernardo-Carbajal, dating City Administrator noong termino ni Mayor Peewee, ang pagpanaw ng kanyang itinuring na “Ama ng Pasay City.”
Pebrero 27 ng hapon nang dalhin sa naturang pagamutan ang dating alkalde.
Naluklok at naglingkod si Trinidad bilang konsehal, bise-alkalde bago naging alkalde ng lungsod ng Pasay simula 2001 hanggang 2010.
Sa Martes ng hapon ihahatid si Trinidad sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Parañaque City.
(Bella Gamotea)