Hindi si WBO No. 2 super bantamweight contender Alberto Pagara ang makakaharap ni one-time world title challenger Chris “Hitman” Avalos ng United States kundi ang ka-stable niyang si IBF at WBO Youth featherweight champion Mark “Magnifico” Magsayo sa Abril 23 sa Cebu City Sports Center sa Cebu.

Magsisilbing undercard ang laban nina Magsayo at Avalos sa unang depensa ni WBO super bantamweight champion Nonito “The Filipio Flash” Donaire Jr. laban kay No. 4 ranked former Hungarian Olympian Zsolt Bedak.

Inaasahang masusubok ang kakayahan ni Magsayo kay Avalos na tumalo sa world ranked Filipino boxers na sina long-time OPBF bantamweight champion Rolly Lunas at dating interim WBA super flyweight titlist Drian Francisco.

Ang huling Pinoy boxer na tinalo ni Avalos ay si Rey Perez na dinaig niya via 8-round unanimous decision noong Agosto 1, 2015 sa Dr. Pepper Arena, Frisco, California.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Huli namang lumaban si Magsayo nitong Pebrero 27 sa Cebu City kung saan pinabagsak niya sa 7th round si Mexican Eduardo Montoya para manaig sa 10-round unanimous decision kaya kailangan niyang madaig si Avalos para makapasok sa world ranking.

May perpektong rekord si Magsayo na 13 panalo, 10 sa pamamagitan ng knockouts samantalang may kartada si Avalos na 26-4, tampok ang 19 TKO.

Nabatid naman na umatras na ang Amerikanong si WBO No. 1 super bantamweight Jessie Magdaleno na lumaban sa undercard ng Donaire-Bedak bout matapos tanggihan ng ALA Promotions ang hinihingi nitong malaking premyo para sa laban.

Ihahanap naman ni ALA president Michael Aldeguer ng magandang laban si WBO No. 1 at IBF No. 12 super lightweight Jason Pagara bago isabak sa world title fight. (Gilbert Espeña)