Nakataya ang unang gintong medalya sa chess competition sa mismong araw ng pagbubukas ng 2016 Philippine National Games (PNG) sa Marso 7 sa Lingayen, Pangasinan.
Isasagawa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ang championship round sa rapid at blitz event para sa mga atletang nagsipagwagi sa naunang qualifying leg sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Maliban sa rapid at blitz, paglalabanan din ang iba pang kategorya sa sports na chess.
Matapos ang nakatakdang simpleng seremonya sa Narciso Ramos Sports Complex, agad na sasambulat ang labanan sa 18 mula sa 19 sports na paglalabanan sa torneo na magsisilbing basehan ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) sa pagpili ng mga atleta na isasabak sa 2017 Southeast Asian Games.
Tanging ang sports na judo lamang ang hindi magsasagawa ng kanilang eliminasyon sa ikalawang araw ng torneo sa Marso 8, habang hindi na magsasagawa ng torneo sa billiards.
May kabuuang 800 kabataang atleta ang kabilang sa PNG, ayon sa datos ng PSC.
Isasagawa ang archery sa Capital golf driving range, arnis sa Pangasinan National High School gym, athletics sa Narciso Ramos Track Oval, Badminton sa NR Gym, boxing sa NR Sports Complex, Chess sa NR Training Center, dancesports sa Sison Auditorium, futsal sa Binmaley Catholic School.
Ang judo sa Bataoil Gym, karatedo sa Columban College gym, lawn tennis sa PNP Tennis Center, muaythai sa Lingayen Town Plaza, pencak silat sa Pangasinan Elem. School gym, sepaktakraw sa Baay Elem. School gym, swimming sa San Carlos city, table tennis sa Wellness Center, taekwondo sa Liingayen Central School gym, weightlifting sa Lingayen Town Plaza at ang wrestling sa Libsong East Gym. (Angie Oredo)